Kasama ring tumindig ang Miss Earth Philippines 2025 na si Joy Barcoma sa ikinasang kilos-protesta kontra korupsiyon sa Luneta Park nitong Linggo, Setyembre 21.
Sa talumpati ni Joy na bahagi ng programa, kinondena niya ang hindi tamang paggamit ng mga politiko sa pondo ng bayan.
“Bawat buwis ay dugo’t pawis po ng mga mamamayang Pilipino. Hindi ho tamang ginagamit ang pondo para sa pansariling interes o para sa kani-kanilang negosyo,” saad ni Joy.
“Ang buwis ng bayan ay para sa bayan,” pagpapatuloy niya. “Ang buwis ng bayan ay para sa edukasyon, kalusugan, at pangangalaga sa kalikasan.”
Kaya ang panawagan niya, “Panagutin lahat ng kurakot. Linisin ang gobyerno. Hindi ho tama na tayo ang nagdurusa habang sila ang nagpapakasasa.”
Nagtapos si Joy ng Bachelor of Arts in Broadcast Communication sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Ilan sa mga adbokasiyang isinusulong niya ay ang kamalayan sa mental health, disaster resilience, sustainable fashion, at kaisa rin siya ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community.