Isinigaw ng isang kabataang raliyistang si “Park” ang umano’y harap-harapang pambababoy nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa bansa, sa ginanap na kilos-protesta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Linggo, Setyembre 21.
Aniya, ang tatlong ito umano ang “ulo” at “puno’t dulo” ng mga nagaganap na korapsyon sa bansa.
“Lahat ng Pilipino ay biktima ng p*tang inang korapsyon na nangyayari ngayon sa ating bansa. Marapat lamang na bawat Pilipinong mamamayan ay tumindig at lumaban sa mga kongresista at namumuno sa atin na walang ginawa kung hindi magnakaw at magtaksil sa mamamayang Pilipino,” ani Park.
“Tayo ay harap-harapang binababoy nina Zaldy Co, Martin Romualdez, at ni Bongbong Marcos. Sila ang ulo at puno’t dulo ng nangyayaring korapsyon dito sa ating bansa,” aniya pa.
Hindi rin umano sapat ang pagbaba sa puwesto, bagkus nararapat na maaresto ang tatlo at managot sa kanilang pambababoy umano sa bansa.
“Martin Romualdez, Zaldy Co, BBM, hindi sapat ang salitang “resign,” dapat kayong mapanagot at maikulong. Kung mayroon lamang death penalty sa ating bansa, marapat lamang na sila ang mga politiko na patayin sa silya elektrika,” anang raliyista.
Kinuwestiyon din niya ang mga nabanggit na kongresista kung sila ba ay nagtatrabaho nang buong araw para may maipakain sa pamilya at kung naranasan na ba nilang sumakay ng dyip sa pagpasok sa trabaho.
Isinigaw niya rin ang sahod na umabo’y wala nang natitira dahil daw sa kaltas ng SSS, Pagibig at PhilHealth.
Napag-alamang ang raliyistang si Park ay isang kabataang Muslim na mula sa grupong Maisug, na umano’y tumutuligsa sa administrasyon ni PBBM.
Vincent Gutierrez/BALITA