December 13, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ano ang naging gampanin ng kabataan noong Martial Law?

BALITAnaw: Ano ang naging gampanin ng kabataan noong Martial Law?

Sa ilalim ng Proclamation No. 1081, idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law sa Pilipinas noong Setyembre 21, 1972, sa mga kadahilanang communist at Islamic insurgencies.

Ayon sa pag-aaral na nakalathala sa Elton B. Stephens Company (EBSCO), ang proklamasyong ito ay nagbigay-daan sa dating Pangulo para magkaroon ng higit na awtoridad sa pamamalakad sa bansa, na walang limitasyon mula sa konstitusyon, hudikatura, at mga mamamahayag.

Sa ilalim din ng Martial Law, nilayon ni Marcos Sr. na bumuo ng “New Society,” o isang sistema na tinawag niyang, “constitutional authoritarianism,” na ayon sa kaniya ay magdadala ng katatagan at economic reform sa bansa.

Gayunpaman, ang pagpapataw ng Martial Law sa bansa ay nagdala ng politikal na panunupil at arbitraryong paghuli sa mga tumututol, kabilang ang ilang pangalan sa politika at mga mamamahayag, ayon din sa nasabing pag-aaral.

BALITAnaw

BALITAnaw: Si Andres Bonifacio bilang unang biktima ng 'election related violence'

Ayon sa tala ng Amnesty International, mula 1972 hanggang 1975, binanggit ng dating Pangulo na may mahigit-kumulang 50,000 ang inaresto, kung saan karamihan dito ay mga manggagawa ng simbahan, human rights defender, legal aid lawyers, labor leaders, at mga mamamahayag.

Sa dagdag na ulat ng Amnesty International, dahil sa umano’y kakulangan sa pananagutan, hindi pa rin matiyak ang mga eksaktong numero at pangalan ng mga umano’y human rights violations noong panahon ng Martial Law sa bansa.

Sa kabila ng mga naitalang numerong ito, may mga naitala pa ring pangyayari sa kasaysayan kung saan, nanindigan ang mga Pinoy, partikular ang kabataan, sa layong maibalik ang kapangyarihan sa sambayanan.

Isa na rito ang protesta noong Enero 1970, na ginanap sa labas ng State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Sr., kung saan, nananawagan ang mga raliyista ng non-partisan Constitutional Convention.

Ang kilos-protestang ito ay dinaluhan ng kabataan at mga miyembro ng labor groups at organisasyon, at habang nagsimula ang kilusan nang mapayapa, ito ay nauwi sa dahas ng dahil sa ilang mga unipormadong opisyal na pilit umano’y ikalat ang mga raliyista.

Sa mga sumunod na buwan at taon, nasundan pa ito ng mga protesta, kung saan, ang kabataang estudyante ang isa sa mga bumubuo ng bilang sa mga naninindigan laban sa umano’y diktadurya.

Isa pa sa naitalang kaganapan ng Amnesty International ay ang pakikiisa ng kabataan sa jeepney drivers nang magtaas ang presyo ng krudo, kung saan, ang University of the Philippines (UP) Diliman at Los Baños, hanggang sa kahabaan ng University Belt, ay umano’y napaligiran ng mga barikada.

Ayon din sa ulat na ito, ang protesta na naganap sa UP Diliman ay nagsimula nang mapayapa ngunit nauwi sa dahas ng isang propesor ang sumubok na sapilitang pagwatak-watakin ang mga estudyante.

Dahil dito, naaresto siya ng Philippine Constabulary Metropolitan Command (Metrocom) nang may namatay na isang estudyante at isa pang naulat na nasugatan.

Sa mga sumunod pang araw, nagpatuloy ang dahas sa kilos-protesta, at ang laban ay hindi na umano naging tungkol krudo, kung hindi sa pagpasok na ng mga militar sa pamantasan.

Kalaunan, ibinaba ang barikada kapalit ng ilang demand tulad ng rollback sa gasolina at hustisya sa kamag-aral nilang nasawi, gayunpaman, hindi nasunod ang kanilang hinihingi.

Sa mga sumunod na taon, patuloy na umigting ang mga protesta at pag-aklas ng taumbayan, hanggang sa Pebrero 1986, mahigit milyong Pilipino ang nakiisa sa People Power Revolution bilang protesta laban sa dalawang dekadang pamumuno ni Marcos Sr.

Ang EDSA revolution ay nakilala bilang “peaceful, non-violent uprising” na matagumpay na nakapagpatalsik sa umano’y diktadurya ni dating Pangulong Marcos Sr.

Ayon sa ilan pang ulat, isa sa mga kritikal na parte ng EDSA revolution ay ang kabataan na walang humpay na tumindig sa administrasyong Marcos Sr. sa pamamagitan ng “university activism,” kung saan dito rin ay nahikayat ang iba pang Pinoy na manindigan.

Ayon sa sciencesurvey.com, habang ang bansa ay patuloy pa ring kumakaharap sa mga pagsubok, ipinakita ng EDSA revolution 1986 na kahit sinong Pinoy ay may kakayahan na maging pagbabago, at isang matuturing na responsibilidad ang paggamit ng boses para mag-udyok nito.

Sean Antonio/BALITA