January 04, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Makata at book author na nakiisa sa Trillion Peso March, nanawagan

#BalitaExclusives: Makata at book author na nakiisa sa Trillion Peso March, nanawagan
Photo courtesy: Mga Tala at Tula (FB)

Hindi lamang mga politiko at lider ng iba’t ibang organisasyon ang nagtipon sa kilos-protestang "Trillion Peso March" na isinagawa sa EDSA Shrine at People Power Monument sa Quezon City nitong Linggo, Setyembre 21.

Bukod sa mga namataan ding artista, celebrity, personality, isa rin sa mga dumalo at nagpahayag ng kaniyang paninindigan ay ang kilalang manunulat at makatang si Ron Canimo, na kilala sa kaniyang mga akdang pumupukaw ng damdamin at gumigising sa kamalayan ng sambayanan.

Siya ang nasa likod ng "Mga Tala at Tula" at iba pang mga akdang tulang patok sa alinmang henerasyon, lalo na sa millenials at gen Zs.

Sa gitna ng libo-libong nagtipon para ipanawagan ang pananagutan ng mga tiwaling opisyal at kontratistang sangkot sa maanomalyang proyekto ng flood control at iba pang katiwalian, nagsalita si Canimo at inilahad ang kaniyang panawagan sa gobyerno.

Human-Interest

ALAMIN: Ano ang mga pamahiing Pinoy tuwing ‘Full Moon?’

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa kaniya, sinabi niyang mahalagang pagkakataon ang lumampas sa hangganan ng social media activism at dalhin ang pakikibaka sa kalsada.

“Mahalagang tyansa ang makalabas sa social media at dalhin sa kalsada ang ating pakikibaka. Kailangang magtipon, kailangang sumigaw, kailangang ipaalam sa mga nakaupo ang galit ng masa dahil sa ‘di na makataong trato sa’tin ng gobyerno,” diin ni Canimo.

Para sa manunulat, hindi sapat ang mga larawan at post sa online platforms upang tunay na marinig ang hinaing ng taumbayan. Binigyang-diin niya na ang lansangan ay nananatiling isang makapangyarihang espasyo ng pagkakaisa at protesta—isang lugar na minsan nang nagluwal ng kasaysayan, tulad ng People Power Revolution.

“Simula pa lamang ito. Mangangalampag tayo, hindi lang sa pamamagitan ng mga larawan, ng mga post, kun’di sa lansangan kung saan minsan na nating nagawan ng kasaysayan,” dagdag pa ng makata.

Sa kaniyang pagdalo, ipinakita ni Canimo na ang sining ng panulaan at panitikan ay hindi lamang nakapaloob sa mga pahina ng libro kundi maaaring magsilbing boses ng masa sa panahon ng kagipitan.

Ang kaniyang paninindigan ay patunay na ang manunulat ay hindi lamang tagapagkuwento, kundi tagapagdala rin ng tinig ng lipunan.

Sa bawat pag-awit ng mga sigaw ng protesta at bawat taludtod ng kanyang pananalita, pinapaalala ni Canimo na ang laban kontra korapsyon ay hindi lamang laban ng iilan, kundi laban ng lahat—isang laban na nagsisimula sa pagtindig, pagtitipon, at sama-samang pagkilos sa lansangan.