Nagpaabot ng panawagan si Bise Presidente Sara Duterte sa kasalukuyang administrasyon hinggil sa mga kilos-protesta na nagaganap at inaasahan pang maganap laban sa mga umano’y korapsyon sa gobyerno.
“Kung makakatulong pa ba ito para makinig ang gobyerno? Sana, ‘yan ang dasal natin lahat, diba? Dahil ayaw natin ng kaguluhan,” saad niya sa kaniyang panayam sa Tacurong City, Sultan Kudarat noong Huwebes, Setyembre 18.
Ibinahagi ni VP Sara na habang hindi niya siya pabor sa pagdadaos ng mga malalaking demonstrasyon, marahil daw ay ito na ang paraan para matugunan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing.
“Ayaw natin ‘yong mga tao pumupunta sa lansangan dahil naaabala sila at naaabala ‘yong mga hindi sumasali,” aniya.
“Pero siguro ito na talaga yung paraan para marinig nila. Dahil malamang siguro pag isang boses lang tulad ko, sasabihin lang nila, ‘politika lang ‘yan.’ Pero ‘pag ang mamamayan na ang nagsabi, mamamayan na wala sa puwesto ang magsabi sa gobyerno, ‘mali ang ginagawa ninyo, wala kayong ginagawa sa problema.’ Sana makinig sila,” aniya pa.
Kasama rin sa naging panawagan ng Bise Presidente ay ang pagsasagawa ng public hair follicle drug test para masigurado raw na nasa tamang katinuan para gumawa ng mga desisyon ang mga kasalukuyang namumuno sa bansa.
“Ang tanong na lang diyan, alam ba nila kung ano ang dapat gawin? Babalik na naman tayo doon sa kapasidad ng kanilang pag-iisip. Sagutin niyo muna, ‘yong public hair follicle drug test. Para malaman talaga natin kung nasa tamang pag-iisip sila,” saad niya.
“Pag hindi pa maayos ‘yong sagot d’yan, meron na talagang dapat siyang gawin. Sagutin niya ‘yong drug allegations sa kaniya,” panawagan niya, na partikular kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kaugnay na balita, mahigit 200 na grupo at mga organisasyon ang inaasahang makikiisa sa mga kilos-protesta laban sa mga umano’y korapsyon sa likod ng flood control projects, sa darating na Linggo, Setyembre 21, kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng Martial Law.
Sean Antonio/BALITA