Nanawagan si acting Philippine National Police (PNP) Chief Melencio Nartatez, Jr., sa mga raliyista na dadalo sa malawakang kilos-protesta sa Linggo, Setyembre 21, 2025.
Sa kaniyang pahayag nitong Sabado, Setyembre 20, pinaalala niya na maging ang hanay daw ng kapulisan ay pawang mga taxpayers din na nagnanais ding maningil ng pananagutan habang ginagampanan ang kanilang responsibilidad.
“Just like everyone else, every member of your Philippine National Police is a taxpayer too. We too want answers, we too seek for truth, and we too call for accountability,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, “Hindi kalaban ang inyong kapulisan, subalit meron kaming responsibilidad na dapat gampanan—at ito ang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Magtulungan at magrespetuhan po tayo.”
Samantala, ayon sa mga ulat, tinatayang papalo sa 30,000 katao ang inaasahang dadalo sa Trillion Peso March sa EDSA Shrine habang mas malaking bilang naman ng mga raliyista ang inaasahang makikiisa sa demonstrasyong gaganapin sa Luneta Park.
Habang magmula noong Biyernes, Setyembre 19, nakataas na ang full alert status sa kapulisan kung saan papalo raw ng 50,000 ang idedeploy nila sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Hiling pa ni Nartatex sa publiko, “We are 100% ready and we ask the protesters to respect your police, in the same way that we respect your right to assemble and air your grievances.”
Matatandaang nauna nang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na maging siya ay nanaisan niyang makiisa sa mga demonstrasyon sa lansangan. Sa kabila nito, binigyang-diin din niya na nakahandang tumugon ang kapulisan sa oras na hindi raw maging mapayapa ang mga kilos-protesta.
“Palaman [ipaalam] ninyo kung paano nila kayo sinaktan. Kung paano kayo ninakawan. Palaman ninyo, sigawan ninyo, lahat. Gawin ninyo pag-demonstrate. Just keep it peaceful. Kasi kapag hindi na peaceful, the police will have to do its duty to maintain peace and order,” ani PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: 'If I wasn't President, I might be out in the streets with them!'—PBBM sa mga nagra-rally