Kinondena ni Senador Kiko Pangilinan ang marahas na pamamaslang sa isang abogado sa Palawan sa harap ng mismong bahay nito noong Setyembre `17.
Sa isang Facebook post ni Pangilinan nitong Biyermes, Setyembre 19, sinabi niyang nakakagulat at nakakabahala umano ang nangyari kay Atty. Joshua Lavega Abrina.
“Ang pagpaslang sa mga abogado ay nakakagulat at nakakabahala. Ito ay pagyurak sa karapatang pantao at sa hustisyang siyang pinaglalaban ng mga katulad ni Atty. Abrina,” saad ni Pangilinan.
Dagdag pa niya, “Hindi lamang ito pag atake sa isang indibidwal, ito rin ay direktang pagtapak sa prinsipyo ng hustisya at due process na nakapaloob sa demokrasyang araw-araw natin ipinaglalaban.”
Kaya naman bilang pinuno ng Committee on Justice and Human Rights, nangako ang senador na tututukan ang kaso ni Abrina at ng iba pang abogadong naging biktima ng umano’y walang kabuluhang karahasan.
“Nakikiramay po tayo sa mga naulila at mahal sa buhay ni Atty. Abrina at nananawagan po tayo sa mga awtoridad ng patas at agarang hustisya,” pahabol pa ni Pangilinan.
Samantala, ipinag-utos na ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa nasabing insidente.
Ani Acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., “Lahat ng posibleng motibo ay ating titingnan upang mapanagot kung sino man ang sangkot sa krimeng ito. Layunin nating mabigyan ng hustisya ang biktima pati na rin ang kanyang pamilya.”