Malugod na ibinida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang rollout ng concessionary Beep cards o white Beep cards para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disability (PWDs) nitong Sabado, Setyembre 20.
Narinig namin kayo! Dahil marami ang kumukuha ng discount at mahaba ang pila sa ticketing, ngayon may sarili nang Beep cards ang mga estudyante , ganoon din para sa ating mga minamahal na PWDs at kasama kong mga seniors . May 50% discount na agad!" aniya sa kaniyang Facebook post.
Sa kaniyang pagbisita sa LRT-2 Legarda station sa Maynila, ipinahayag ni PBBM sa kaniyang talumpati ang tulong at benepisyo ng bagong sistema na ito.
“Napakalaking tulong iyan dahil alam naman natin, students are on a very, very tight budget,” aniya, partikular sa mga estudyante.
Kung kaya’t saad din niya na masaya siya sa paglulunsad nito dahil bukod sa diskwento, mas episyente na ang pagproseso ng Beep cards.
“We’re very happy to be able to launch this new system to give beep cards to our students. Talagang pinabilis na natin nang mabuti. Dati ang Beep card bago mo makuha, 7 to 10 days ang processing, ngayon 3 minutes na lang,” aniya.
Nakuha rin niyang magbiro sa mga estudyanteng nakapila sa istasyon, na wala na silang palusot sa pagiging late sa kanilang mga klase dahil sa mas pinabilis na sistema.
“Tinutukso ko nga ‘yong mga estudyante rito, ‘wala na kayong excuse maging late,’ sasabihin n’yo, ‘Sir, ang haba ng pila don sa LRT,’ wala na ‘yong excuse na ‘yon,” aniya pa.
Ayon din sa kaniya, ang inisyatibang ito ay naglalayong mapagaan ang alalahanin ng mga commuter sa kanilang araw-araw na pagbyahe.
Layon din daw ng kaniyang administrasyon ang patuloy na modernisasyon ng pampublikong transportasyon.
“Patuloy na [natin] i-modernize ang public transport para ang lahat ng sumasakay ng public transport ay mas maging magaan naman. We will watch and see kung ano pa ang kailangang gawin, patuloy nating pag-aaralan,” pagtitiyak niya.
KAUGNAY NA BALITA: On-the-spot printing ng beep cards para sa mga estudyante, seniors, at PWDs, tuloy na sa Sabado!
Sean Antonio/BALITA