Nagtaas na ng red alert status ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Council (MCDRRMC) sa lungsod ng Maynila kaugnay sa inaasahang epekto ng typhoon Nando at mga malawakang protesta sa Linggo, Setyembre 21.
"Kaugnay ito sa direktiba ng ating butihing punong lungsod Isko Moreno Domagoso at ating direktor Arnel Angeles na masiguro ang mabilis na pagtugon sa anumang kaganapan," saad ng Manila DRRMO sa isang abiso nitong Sabado, Setyembre 20.
"Sa kabila nito ay inaabisuhan natin ang publiko at kapwa nating Manileño na maging mapagmasid at itawag sa aming tanggapan ang anumang emergency," dagdag pa nila.
May isasagawang malawakang kilos-protesta sa Maynila partikular sa Luneta at Liwasang Bonifacio upang ipakita ang mahigpit na pagtutol sa talamak na korupsiyon sa gobyerno.
Matatandaang nagsimula ang mga panawagan ng pagtutol sa korupsiyon sa bansa dahil sa pagputok ng mga Balita patungkol sa mga anomalya sa likod ng flood control projects.
Kaugnay na Balita: ALAMIN: Mga dapat isaalang-alang sa ikakasang kilos-protesta sa Setyembre 21