Agad na nagpaliwanag ang batikang aktres na si Rita Avila matapos kuyugin ng ilang netizens ang naging hirit na tanong niya sa Instagram post ng Kapamilya star na si Jodi Sta. Maria, hinggil sa pagkondena sa umano'y pagkatay ng mga baka sa isang prayer rally sa Setyembre 11.
Sa Instagram post ni Jodi, ibinahagi niya ang pagtutol laban sa balak na pagkatay ng mga baka sa isang kilos-protesta na nakatakdang gawin sa Setyembre 21.
Ibinahagi ng aktres ang opisyal na pahayag ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na mariing kumokondena sa paggamit ng mga hayop bilang sakripisyo sa pampublikong pagtitipon.
Ayon sa PETA, ang mga baka ay walang pinapanigan sa politika at gaya ng ibang nilalang, nais lamang mabuhay. Dagdag pa nila, ang paggamit sa kanilang paghihirap bilang “public spectacle” ay malinaw na anyo ng kalupitan at kahiya-hiyang gawing political stunt.
Ayon sa PETA, "Animals, including these cows, have no political stance — they simply want to live. Cows are gentle animals who love their babies and cry out in fear when their lives are taken. Turning their suffering into a public spectacle is cruelty, plain and simple. Taking their lives for a political stunt is shameful, and we beg those involved to reconsider. Choosing compassion instead of cruelty would show the world the progressive country the Philippines truly is and give the entire nation something to be proud of. The Philippines has a chance to reject violence against animals and embrace compassion instead."
Kalakip ng post ang isang panawagan na "STOP THE KILLING OF COWS ON SEPT. 21."
Mapapansin namang sa ibaba, nakabilog ang "100 cattle to be slaughtered for prayer rally."
Hindi naman tinukoy ni Jodi sa post, o maging mismong sa art card, kung may kinalaman ba ito sa nakatakdang mga rally kontra korapsyon sa Linggo, Setyembre 21, at kung aplikable ba ito sa Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: Jodi Sta. Maria, kinondena umano'y planong pagkatay sa mga baka para sa kilos-protesta
Maging ang mga kapwa artista at celebrity, kinondena rin ang nabanggit na post kagaya na lamang nina Iza Calzado, Bela Padilla, at Rita Avila na nag-iwan pa ng tanong.
"Eh ano naman ang gagawin sa mga mananaCOWS?" anang aktres.
Sagot naman ni Jodi, "Ano ang nararapat na kaparusahan sa palagay mo Ms A?"
"aku eh umamin muna sila dahil may batas naman para sa kanila. kung ayaw mag-aminan… eh di magtuturuan sila, magkakainitan, maglalaban-laban. matira matibay. ang matira, gagawing tapa," sagot naman ng batikang aktres.
KAUGNAY NA BALITA: Rita sa post ni Jodi: 'Eh ano naman ang gagawin sa mga magnanaCOWS?'
PAGKUYOG NG BASHERS KINA JODI AT RITA
Nagbigay naman ng reaksiyon at komento ang ilang mga netizen sa naging palitan ng usapan nina Jodi at Rita.
May ilang nagsabing "OA" daw sila at akala raw ay kung sinong kay laki ng ambag sa lipunan.
Ilan naman ang nagsabing tila "selective" ang pagpuna ni Jodi dahil paano naman daw ang mga baka na kinakatay para gawing steak o corned beef, na isa sa mga kinakain ng tao.
"eh paano po yung baka kinakatay para gawing beef steak or corned beef????or baboy kinakatay din araw2x para e benta?wala naman masama doon ginagawa nga yan everyday sa slaughter house ngayon pa kaayo nag rereact nang ganyan," anang netizen.
Kaya paglilinaw ni Rita sa isang basher, "magnanacow ang issue ko girl. hindi cow.
Pero may mga nagtanggol din naman sa dalawa at sinabing usaping pampolitika ang pinag-uusapan ng dalawa lalo't mainit ang isyu ngayon sa mga "magnanakaw" o korapsyon sa pamahalaan.
May mga nagsabi ring katulad ng mga karaniwang mamamayan, nagbabayad din ng buwis sina Jodi at Rita gayundin ang iba pang mga artista.
PALIWANAG NI RITA
Dahil dito ay muling naglapag ng kaniyang panibagong komento si Rita sa comment section ng post ni Jodi, upang ipaliwanag ang tungkol sa "magnanaCOWS."
Aniya, "Hindi ko alam ang scope ng post na ito ni Jodi at ng PETA kaya hindi ako nag-agree o kumontra. Ang alam ko lang ay mapagmahal sila sa mga hayop. Wala namang mali kung may grupo sa mundo na magmahal sa mga hayop."
"Mas mali nga ung ang mahal ay HAYOP sa ugali."
"Dahil sa COW, naidugtong ko lang ang magnanaCOW dahil may nabasa ako tungkol sa iba’t ibang COWS. Ex. Ang Russia may MosCOW. Ang China may MaCOW. Ang Pilipinas may MagnanaCOW."
"Relevant naman ang tanong ko dahil yan ang issue ngayon. Pero kung ano ano na ang bintang nyo sa amin."
"Mag-isip nga muna kayo bago pumutak."
"Pasintabi @jodistamaria," aniya.
Photo courtesy: Rita Avila via Jodi Sta. Maria (IG)
Sina Jodi at Rita ay nagkasama sa teleseryeng "Ang Sa Iyo Ay Akin" sa ABS-CBN kasama pa sina Iza Calzado, Sam Milby, at Diamond Star Maricel Soriano.