January 04, 2026

Home BALITA National

'Kasama ninyo kami sa laban na ito:' ARTA, nakikiisa sa mga kilos-protesta laban sa katiwalian

'Kasama ninyo kami sa laban na ito:' ARTA, nakikiisa sa mga kilos-protesta laban sa katiwalian
Photo courtesy: ARTA (FB), MB

Nagpahayag ng pagsuporta sa mga isasagawang kilos-protesta laban sa mga umano’y korapsyon sa gobyerno ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) nitong Sabado, Setyembre 20. 

Sa kanilang press release, nanawagan ang ARTA sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na magbigay ng tapat at malinaw na serbisyo-publiko.

Bilang ahensya na nangunguna sa reporma ng burukrasya, sila rin daw ay naninwalang dapat mahatulan ang lahat ng may kaugnayan sa katiwalian. 

“Naninindigan ang ARTA sa tuntunin ng batas at sa hustisya. Dapat managot ang mga opisyal na sangkot sa katiwalian, kasama ang kanilang mga kasabwat. Walang puwang sa Bagong Pilipinas ang mga mapagsamantala,” saad nito. 

National

Leviste, pinuna pagtaas sa ₱18.58B ng MOOE ng Kamara sa 2026 nat'l budget

Kung kaya naman alinsunod sa mga gagawing kilos-protesta ng ilang mamamayan, hinikayat ng ARTA ang mapayapang pagpapahayag ng saloobin. 

“Sa mga makikilahok sa mga malawakang pagkilos, hinihikayat ng ARTA ang mapayapang pamamaraan at mahigpit na pagsunod sa batas. Ang karapatang magpahayag ay sagrado sa ilalim ng ating Saligang Batas. Gamitin ito nang may dangal at pananagutan,” anang ng ahensya. 

Tiniyak din ng ARTA na kaagapay sila ng sambayanan sa pagtuligsa sa mga katiwalian at pagtataguyod ng isang Bagong Pilipinas. 

“Makakaasa ang taumbayan na patuloy ang ARTA sa pagbabantay, pagpigil sa red tape, at pagpapabuti ng mga proseso tungo sa isang gobyernong tunay na naglilingkod. Sama-sama tayong magtataguyod ng isang Bagong Pilipinas na walang puwang para sa korupsyon,” dagdag pa nito. 

Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, hinikayat ng ahensya na ipagbigay-alam sa kanila ang mga katiwalian sa pamamagitan ng electronic Complaint Management System (eCMS) na nasa eGovph Super App o sa ARTA hotline 1-2782 para sa kanilang agarang aksyon. 

Sa kaugnay na balita, ang ARTA ay ang ahensya na responsable sa pagi-implema ng mga polisiya para masigurado na mas madali ang proseso sa mga pampublikong serbisyo sa mga ahensya ng gobyerno habang pinananatili ang integridad dito at kawalan ng korapsyon. 

Photo courtesy: ARTA (FB)
Photo courtesy: ARTA (FB)

Sean Antonio/BALITA