Nagbigay ng mga pangkalusugang paalala ang Department of Health (DOH) para sa mga dadalo sa mga inaasahang kilos-protesta sa Linggo, Setyembre 21.
Sa Facebook post ng DOH noong Sabado, Setyembre 20, inabisuhan nito ang publiko na gawing prayoridad ang kaligtasan at kalusugan sa mga malalaking pagtitipon na magaganap.
Ito ang mga paalala sa nasabing post ng ahensya:
1. Alamin ang detalye ng pagtitipon at ang inaasahang lagay ng panahon.
2. Dalhin ang essentials tulad ng face mask, alcohol o hand sanitizer, pamaypay, tubig, sumbrero, tuwalya, at maintenance na gamot.
3. Kumain nang sapat bago umalis ng bahay, magsuot ng magaan at komportableng damit, at tiyakin na fully-charged and cellphone.
Payo rin ng DOH na iwasan nang dumalo sa pagtitipon kung hindi na maganda ang pangangatawan.
“Hangga’t maaari ay huwag nang dumalo kung nakararanas ng mga sintomas ng sakit gaya ng lagnat, ubo, at sipon para maiwasan ang hawahan,” saad dito.
Sa kasagsagan naman ng pagtitipon, abiso ng DOH na panatilihin ang personal hygiene at pagbibigay-pansin sa mga kasamang bata, nakatatanda, at persons with disability (PWDs).
“Habang nasa pagtitipon, panatilihin ang kalinisan ng kamay, uminom ng sapat na tubig, at huwag makipagtulakan para maiwasan ang aksidente. Kung makaramdam naman ng pagkahapo ay sumilong o pumwesto sa mas preskong espasyo para makapagpahinga,” dagdag dito.
“Bigyang-pansin din ang mga kasama lalo na ang mga bata, nakatatanda, at PWDs.”
Sa panayam ng DZMM kay Usec. Ted Herbosa at Edward De Borja na isang Emergency Medical Technician, nito ring Sabado, Setyembre 20, binanggit din nila na sa pagpunta sa mga lugar na pagdarausan ng kilos-protesta, importante na kilatasin ang espasyo at mga lagusan dito.
“Unang-una, pagdating pa lang sa site, you should survey the scene, ‘yung mga lagusan na puwedeng daanan just in case magkakaroon ng crowd-search o magkakaroon ng stampede,” pagbabahagi niya.
“Pangalawa, tignan din natin ang locations ng first aid stations lalo na kung tayo ay hindi okay ang pakiramdam o tayo ay may medical condition,” aniya.
“Pangatlo, kailangan umiwas na tayo pag nakikita natin na nagkakaroon na ng kakaibang pangyayari o sitwasyon sa ating venue,” aniya pa.
Sean Antonio/BALITA