Nagpahayag ang Civil Service Commission (CSC) na hindi umano nila pipigilan ang mga trabahador na nasa ilalim ng gobyerno kung sila ay sasama sa mga kilos-protesta na mangyayari sa Linggo, Setyembre 21, 2025.
Ayon sa naging panayam ng DZRH kay CSC Assistant Commissioner Ariel Ronquillo, sinabi niyang karapatan din umano ng mga nagtatrabaho sa gobyerno na sumama sa mga pagkilos na ginagawa ng mga mamamayan.
“Ang atin pong mga kasamahan, katulad ng isang ordinaryong mamamayan ng ating bayan, ay mayro’n pong karapatan na lumahok sa gan’yang mga pagkilos,” panimula ni Ronquillo.
Dagdag pa niya, “[Ang] magpahayag ng kanilang damdamin, magsabi kung ano ‘yong hindi nila nagugustuhan na nakikita nila sa kasalukuyang pamamahala o sa kasalukuyang sitwasyon.”
Ngunit nagbigay ng babala si Ronquillo para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno na sasama sa mga kilos-protesta kung sila man ay masasangkot sa gulo at magbibigay ng hindi magandang imahe sa pamahalaan.
“Subalit dahil sila po ay nasa pamahalaan, dapat mayro’n pong mga bagay na hindi [nila] dapat gawin na magbibigay ng hindi magandang imahe sa ating pamahalaan,” anang Ronquillo.
Inisa-isa ni Ronquillo ang hindi magandang bagay na dapat umanong iwasang gawin ng mga empleyado ng gobyerno.
“Katulad niyan, if you will exercise your freedom of expression, dapat hindi ka maninira ng kahit anomang estruktura na madadaanan mo habang ikaw ay magpapahayag ng iyong damdamin.
Hindi ka rin dapat ma-iinvolve sa mga sitwasyon na mananakit ka ng kapwa, lalabag ka sa batas, [at] niruruyakan mo ‘yong pagkatao o dangal ng sinoman.
Aniya, may limitasyon ang paglalahad ng damdaming may kaugnayan sa karapatan ng isang empleyado ng gobyerno kung magpapakita sila ng hindi magandang asal sa publiko.
“Dahil ‘yong pag-eexercise po ng ating karapatan, may hangganan po ‘yan. Kapag po tayo ay lalabag na sa batas o maninira, hindi po magandang asal ‘yan ng isang nagtatrabaho sa pamahalaan,” ‘ika ni Ronquillo.
Pagpapatuloy pa ni Ronquillo, maaari umanong pumasok sa administrative offense kung gagawa sila ng hindi kanais-nais sa darating na Linggo kahit wala silang pasok sa gobyerno.
“Bilang administrative offense po, puwede po ‘yang pumasok sa conduct prejudicial to the best interest of the [public] service. Kahit po sabihin natin na gagawin naman nila ‘yan nang Linggo at ito naman po ay bilang isang mamamayan ng Pilipinas, kahit po Linggo o walang pasok, kapag po ikaw ay nasa gobyerno [ay] dala-dala mo ‘yong imahe ng gobyerno kahit saan ka nagpunta,” paglilinaw ni Ronquillo.
“Kaya dapat iiwas tayo do’n sa mga aksyon na magkakaroon po ng hindi magandang imahe o hindi magandang pananaw ang mga mamamayan sa pag-aasal ng isang nagtatrabaho sa gobyerno,” pagtatapos niya.
Inaasahang dadaluhan ng maraming bilang ng mga tao mula sa iba’t ibang progresibong grupo ang mga magiging kilos-protesta sa Setyembre 21 laban umano sa korapsyon at katiwalian ng mga pulitiko ang maraming lugar sa Manila partikular sa Luneta, Liwasang Bonifacio, Camp Aguinaldo at EDSA People Power Monument sa Quezon City, Metro Manila.
Mc Vincent Mirabuna/Balita