Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang pagbabalik ng ₱60 bilyong excess funds sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa kaniyang pahayag nitong Sabado, Setyembre 20, 2025, iginiit niyang magmumula ang pondo mula sa ilang departamento kagaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“I’m happy to be able to announce, dahil sa ating mga ginagawa, siguro alam naman ninyong lahat yung ating mga savings na bago na galing sa iba’t ibang departamento mainly from Department of Public Works and Highways, yung ₱60 bilyon na ‘yan ibabalik na natin sa PhilHealth,” ani PBBM.
Saad pa niya, nakatakdang gamitin ang pondo upang mas mapalawig pa raw ang benepisyong maaaring ibigay ng PhilHealth sa taumbayan.
“Gagamitin na natin ‘yan para palawakin pa ang serbisyo ng PhilHealth,” anang Pangulo.
Kaugnay ng serbisyo sa kalusugan, matatandaang kamakailan lang nang ikasa rin ng administrasyon ni PBBM ang programang “Bayad na Bill Mo” o mas kilala bilang zero-balance billing policy.
Layunin ng programang masiguro na ang mga pasyente, lalo na ang mga nasa pampublikong ospital, ay hindi na magbabayad ng anumang dagdag na halaga matapos ang kanilang gamutan.
Sa ilalim nito, sasagutin ng gobyerno at PhilHealth ang lahat ng gastusin sa ospital upang hindi na mabigatan sa mga gastusin ang pamilya ng pasyente.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinigurong maipatutupad 'zero-billing' policy sa government hospitals