December 13, 2025

Home BALITA National

Tropical Storm 'Nando', posibleng maging super typhoon sa Lunes—PAGASA

Tropical Storm 'Nando', posibleng maging super typhoon sa Lunes—PAGASA
PAGASA

Nagbigay-babala ang PAGASA nitong Biyernes, Setyembre 19, dahil posibleng maging super typhoon sa darating na Lunes, Setyembre 22, ang tropical storm "Nando."

As of 5:00 PM, huling namataan ang sentro ng bagyo sa 905 kilometro Silangan ng Central Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 85 kilometers per hour at pagbugsong 105 kilometers per hour. 

Mabagal ang pagkilos ng bagyo pa-hilagang kanluran sa bilis lang na 10 kilometers per hour. 

Ayon sa PAGASA weather specialist na si Benison Estareja, mas lalakas pa ang bagyo bukas, Sabado, bilang isang typhoon kung saan ang minimum na lakas ng hangin nito ay 120 kilometers per hour. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Pagsapit ng Linggo, mananatili pa rin ang lakas nito bilang isang typhoon.

Ngunit pagsapit ng Lunes, magiging ganap na super typhoon na ang bagyong Nando, na may minimum wind speed na 185 kilometers per hour. 

Mananatiling super typhoon ang bagyo hanggang Martes ng tanghali, habang palabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Kung pagbabasehan ang 400 kilometers radius ng bagyo pagsapit ng Lunes ng gabi, paliwanag ni Estareja na makakaapekto ang super typhoon sa Northern at Central Luzon, kabilang ang Metro Manila, dahil malapit ang sentro o mata ng bagyo. 

Samantala, sa isang press briefing nito ring Biyernes, nagbigay-babala si PAGASA administrator Dr. Nathaniel Servando sa magiging hagupit ng super typhoon Nando.

"As early as now ay kumilos na. Make sure na ligtas ang kanilang mga tahanan at sundin ang maaaring aksyon na ipapairal ng kanilang mga lokal na leaders para maibsan, ma-minimize ang impacts nitong Nando,” ani Servando.

“Ito'y may dala (na) panganib muli dahil sa malakas na hangin at malakas na pag-ulan na magdulot ng mga pagbaha, landslides, at storm surge sa mga dalampasigan,” dagdag pa niya. 

Inaasahang lalabas ng PAR ang bagyong Nando sa Martes ng tanghali.