Nagbigay-pahayag si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson kaugnay sa pagdala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands noong Marso 2025 dahil sa kasong crimes against humanity.
Sa isang press conference nitong Biyernes, Setyembre 19, itinanong ng isang mamamahayag kay Singson kung isa raw bang panibagong taktika ng pamahalaan ang pagtataguyod ng Independent Commission for Infrastructure (ICI)—na mag-iimbestiga sa mga anomalya ng flood control projects—para ilihis ang usapin tungkol sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay Duterte.
Sagot ni Singson, "kidnapping" ang naganap sa pag-aresto kay Duterte dahil wala raw warrant of arrest.
"Nakita ko naman 'yong video. Hinuli si Former President [Rodrigo Duterte], wala namang warrant of arrest. Ano 'yon? Kidnapping 'yon! Walang warrant of arrest ipahuhuli mo 'yong tao para ipadala sa ibang bansa? Ibig sabihin wala silang tiwala rito sa ating bansa," ani Singson.
"Ang totoo ang gobyerno natin bulok na," dagdag pa niya na pinalakpakan ng mga tao.
Matatandaang kinumpirma ng Malacañang noong araw na naaresto si Duterte na natanggap ng INTERPOL Manila ang opisyal na kopya ng warrant of arrest laban sa dating pangulo.
“Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan,” anang PCO.
Maki-Balita: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Samantala, kasalukuyan pa ring nasa ICC detention center si Duterte. Hindi rin matutuloy ang confirmation of charges hearing nito na dapat sana’y nakatakdang isagawa sa Setyembre 23.