December 14, 2025

Home BALITA

Rizal Mayor Jun Ynares, pinasalamatan PBBM, DOLE sa wage hike sa Antipolo City private companies

Rizal Mayor Jun Ynares, pinasalamatan PBBM, DOLE sa wage hike sa Antipolo City private companies
Photo courtesy: Jun Ynares (FB), Bongbong Marcos (FB)


Pinasalamatan ni Antipolo City Mayor Jun Ynares si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Tripartite Wages and Productivity Board CALABARZON sa pagkilala ng patuloy na pagtaas ng bilihin, na nagresulta sa pagkasa ng wage hike sa lungsod.

“Salamat po, Pangulong Bongbong Marcos at DOLE Regional Tripartite Wages and Productivity Board CALABARZON sa pagkilala sa pagtaas po ng ating mga gastusin,” ani Ynares.

Ibinahagi ni Mayor Ynares sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Setyembre 19, na simula sa Oktubre 5, 2025, ₱600 na ang minimum wage sa mga pribadong kompanya sa Antipolo City.

“Simula October 5, 2025, ₱600 na ang minimum wage sa mga pribadong kumpanya sa lungsod!” ani Ynares.

“Sa harap ng tumataas na bilihin, kahit papaano ay makatutulong ito sa ating mga manggagawang patuloy na nagsusumikap araw-araw.” dagdag pa niya.

National

DPWH Sec. Dizon, positibong hindi na mauulit mga dating gawi sa ahensya



Sa bisa ng Wage Order No. IVA-22, mula sa ₱560 na basic minimum wage ng mga taga-Antipolo, umakyat na ito ngayon sa ₱600. Kasabay nito ang pagtaas din ng sahod ng manggagawa mula sa mga pribadong kompanya sa Cavite (Bacoor City, Dasmariñas City, Imus City, Biñan, San Pedro City).

Inilahad din niyang pati ang mga karatig-bayan ng Antipolo, Rizal ay mayroon ding ikinasang wage hike.

“Bukod sa Antipolo, ₱600.00 per day na din ang minimum wage sa mga bayan ng Cainta at Taytay. Samantalang magiging ₱550.00 naman sa mga bayan po ng Angono, Binangonan, Pililla, Montalban, San Mateo at Tanay,” aniya.

Nilinaw niya ring patuloy pa ring kikilos ang lokal na pamahalaan ng Antipolo upang ganap na makamtan na ng mga manggagawa mula sa kanilang lungsod ang distenteng sahod na kailangan nila.

“Isang magandang hakbang po ito. Gayun pa man, patuloy at hindi po titigil ang Lokal na Pamahalaan sa pag-aapela hanggang sa maabot ng ating mga manggagawang Pilipino ang isang disenteng sahod para sa kanila at kanilang mga mahal sa buhay,” anang mayor.

Matatandaang may ikinasa ring pagtaas ng sahod ang DOLE Regional Wage Board noong 2024.

Vincent Gutierrez/BALITA