Nagbigay na ng “go signal” ang Department of Transportation (DOTr) sa mga istasyon ng tren para magbenta at mag-on-the-spot printing ng concessionary beep cards o white beep cards simula Sabado, Setyembre 20.
Sa Facebook post ng DOTr nitong Biyernes, Setyembre 19, inanunsyo nito na available na sa kahit anong istasyon ng LRT-1, 2, at MRT-3 ang white beep cards simula alas-10 ng umaga sa Sabado.
Ang nasabing beep cards ay para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga estudyante na may kaakibat na 50% discount.
Para ma-avail ito, inabiso ng DOTr na magdala ng student ID o enrollment certificate para sa mga estudyante, senior citizens ID, o PWD ID, kasama ang ₱30 na one-time payment.
Ayon sa Beep Card website, ang white beep cards ay valid sa loob ng 4 na taon, kung saan ang senior citizens at PWDs ay makakakuha ng kanilang discount hanggang sa mag-expire ang kanilang card, habang ang mga estudyante naman ay kinakailangang mag-renew taon-taon.
KAUGNAY NA BALITA: Mga senior, PWD, estudyante hindi na mag-fill out ng form para sa fare discount sa tren
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paano makakakuha ng personalised beep card ang mga estudyante?
Sean Antonio/BALITA