December 13, 2025

Home BALITA

OIC Ombudsman Vargas, namimisikal na umano ng mga empleyado para i-dismiss kaso ni DOJ Sec. Remulla

OIC Ombudsman Vargas, namimisikal na umano ng mga empleyado para i-dismiss kaso ni DOJ Sec. Remulla

Isang anonymous letter ang nagkalat sa social media na hinihinalang mula umano sa isang empleyado ni Officer in Charge (OIC) Ombudsman Dante Vargas hinggil sa pang-aabuso umano nito para i-dismiss ang kaso ni Justice Sec. Boying Remulla.

Ayon sa naturang liham, na ibinahagi ng Batas PH at Abogado PH, isinasaad umano ng naturang empleyado na nakaranas na raw sila ng pang-iinsulto at mga mura mula kay Vargas kapag hindi raw nasusunod ang gusto nitong mangyari.

"Pinagsisigawan at pinagmumura n'ya ang kung sino man na empleyado na hindi susunod sa kung ano ang gusto n'ya mangyari," saad ng naturang liham.

Giit pa nito, nagsimula raw ang lahat dahil umano sa nakabinbing kaso ni Remulla sa Ombudsman na inihain ni Sen. Imee Marcos hinggil sa pagkakaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

KAUGNAY NA BALITA: : Sen. Imee, inireklamo 5 top gov’t officials na sangkot sa pag-aresto kay FPRRD

"Nangyari at nagsimula ang lahat ng ito dahil sa isyu at kaso nila DOJ Sec. Remulla. Hindi din naming maintindihan kung bakit parang gagawin ni Acting Ombudsman ang lahat para lang mai-dismiss ang kaso nila, marami pang mas importante na kaso at mas matagal na naka-pending na dapat sana muna," anang naturang liham.

Nabanggit din sa nasabing liham ang panghihimasok umano ng Palasyo upang mai-dismiss na ang kaso nina Remulla. 

"Napag-alaman namin at sang-ayon na din sa kwento ni Acting Ombudsman Vargas sinundo siya sa kanilang bahay at dinala sa Malacañang upang kausapin ni Presidente Marcos. Tinanong si Acting Ombudsman Vargas ni Presidente kung kaya niya idismiss ang kaso nila DOJ Sec. Remulla," saad ng liham.

Nagpahayag na rin ng agam-agam ang nasabing empleyadong sumulat ng nasabing liham.

Aniya, "Nag-aalala kami kung bakit masyadong maliwanag masyado ang kamay ng Palasyo dito...Lahat kami ay nag-aalala sa mga nangyayari. This is not the institution that we all knew before Acting Ombudsman Dante was appointed weeks ago. We are all worried with what is happening because it might tarnish the very institution that we have always loved and taken care of."

Bunsod, nito, nakiusap ang nasabing may akda ng liham sa mga deputy at special prosecutor na maaksyunan ang umano'y mga nangyayari sa ilalim ng liderato ni Vargas sa Ombudsman.

"Kaya po sa ngalan ng mga employees ng Ombudsman ako ay nakikiusap sa inyo, mga kagalang galang na Deputies at Special Prosecutor, na tulungan ninyo na huwag mawasak ang integridad ng ating minamahal at nirerespeto na institusyon na ito dahil lamang sa ambisyon ng mga corrupt na opisyal ng pamahalaan," saad nito.

Samantala, wala pang pahayag ang Ombudsman maging ang kampo ni Vargas patungkol sa naturang liham. Bukas ang Balita sa kanilang panig. 

Matatandaang kamakailan lang nang umugong rin ang umano’y tuluyang pag-dismiss sa kaso nina Remulla na tahasang tinutulan ni Sen. Imee Marcos.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee naghain ng urgent motion to inhibit laban kay Vargas, iba pa para sa paglutas ng MR sa kaso ni Remulla