Nakahanda ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magbigay-asiste sa mga inaasahang kilos-protesta sa Linggo, Setyembre 21.
Sa pulong ng MMDA nitong Biyernes, Setyembre 19, ibinahagi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na nakahanda siyang magdala ng mga kawani para sa traffic management, crowd control, at emergency response para matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa protesta.
Dagdag din niya na sa EDSA People Power Monument ay plano nilang magbukas ng zipper lane sa bahagi ng White Plains Ave. kung sakaling magamit ang bahagi ng Temple Drive bilang parking area.
Ang inisyatibang ito ng MMDA, katulong ang Philippine National Police (PNP), ay para matiyak na walang kaguluhang mangyayari sa mga kilos-protesta at hindi ito maging abala sa ibang motorista.
Sa kanilang Facebook page, nagpaalala ang MMDA ng mga alternatibong parking areas para sa mga dadalo sa mga kilos-protesta sa darating na Linggo.
“Inaabisuhan ang mga dadalo sa protesta na iparada ang kanilang sasakyan sa mga shopping malls o sa mga malayo sa pagdarausan ng kilos protesta at gamitin ang MRT at LRT lines patungo sa mga venues para hindi problemahin ang parking,” saad dito.
Para naman sa mga hindi dadalo, nag-abiso ang MMDA na iwasan dumaan sa mga lugar na pagdarausan ng kilos-protesta para hindi maipit sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko.
Kasama sa nasabing pagpupulong si MMDA General Manager Usec. Procopio Lipana, ang kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, at mga representante mula sa mga grupong lalahok sa protesta.
Sean Antonio/BALITA