Binigyang-linaw ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Mico Clavano, ang magiging proseso nila sa aplikasyon ng mag-asawang Curlee at Sarah Dsicaya para sa witness protection program.
Sa panayam ng media kay Clavano nitong Biyernes, Setyembre 19, 2025, iginiit niyang may dalawa raw silang prosesong sinusunod para sa nasabing programa.
“First of all, we will check if the affidavits are truthful, genuine, authentic, complete. So, 'pag pumasok po yun doon sa criteria na 'yon, then we can now determine the risk that they are facing. Whether or not they are being threatened, intimidated by people that are involved in the case,” ani Clavano.
Paglilinaw pa niya, “So, two steps po yun, titingnan po natin yung katotohanan, then completeness of their statements, and the veracity as well. And then we will now determine if may risk ba talaga sila.”
Matatandaang sangkot ang mag-asawang Discaya bilang isa sa mga top contractors sa maanomalyang flood control projects. Sila din ang nagpangalan sa ilang mga kongresista at matataas na lider na katulad ni dating House Speaker Martin Romualdez na umano’y nanghihingi ng kickback sa halaga ng kontrata na nakukuha nila sa gobyerno.
“Karamihan sa mga kawani ng DPWH na nabanggit sa itaas ay paulit-ulit na binabanggit ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay at least 25%,” ani Curlee.
Saad pa niya, “Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kaniyang malalapit na kaibigan.”
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co
Samantala, sa ikaapat na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects, tuluyang napatawan ng contempt order si Curlee Discaya, matapos ang hindi tugma niyang pagdadahilan sa pagliban ng misis niyang si Sarah sa nasabing pagdinig.
Iginiit ni Curlee na hindi raw nakadalo ang misis niyang si Sarah dahil umano sa karamdaman niyang sakit sa puso.
Subalit nang basahin ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Ping Lacson ang liham na mismong ipinadala ni Sarah sa Senado, sinabi niyang may company meeting raw siya na naunang na-schedule bago ang itinakdang araw sa pagdinig ng komite.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Health issue o may meeting?' Curlee Discaya, ipina-contempt dahil sa maling palusot para sa misis niya