Ipinagdiinan ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na ang pag-“contempt” ay simula pa lamang, at nararapat ay may managot at makasuhan sa isyu ng iregularidad at maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang parte ng bansa.
Ibinahagi ni Rep. Diokno sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 18, na dahil sa sanay umano na makalusot, nagagawa ng isang tao na magsinungaling.
“Nagagawa nilang magsinungaling dahil sanay na nakakalusot. Contempt is just the beginning. Dapat silang makasuhan at mapanagot,” ani Diokno.
Ipinahayag ito ng kongresista matapos ma-contempt ang isa sa mga government contractors na si Curlee Discaya matapos maglahad ng hindi tugmang mga dahilan sa hindi pagdalo ng kaniyang misis na si Sarah Discaya sa ginanap na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang flood control projects sa bansa nitong Huwebes, Setyembre 18.
Paglalahad ni Curlee, hindi raw makadadalo ang kaniyang asawa sa nasabing pagdinig dahil sa iniinda nitong karamdaman sa puso, na taliwas sa isinumiteng liham ni Sara Discaya na nagsasabing siya ay nasa isang company meeting.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Health issue o may meeting?' Curlee Discaya, ipina-contempt dahil sa maling palusot para sa misis niya-Balita
Matatandaang sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga sangkot sa iregularidad ng flood control projects sa ilang bahagi ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Curlee Discaya, Henry Alcantara, idedetine sa kustodiya ng Senado-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
'Contempt is just the beginning!' Rep. Diokno, idiniing dapat may makasuhan, mapanagot sa anomalya ng flood control projects
Photo courtesy: Chel Diokno (FB)