Mahigit-kumulang isang milyong Pilipino ang apektado ng dementia, ayon sa tala ng Department of Health (DOH) noong Huwebes, Setyembre 18.
Sa panayam ng programang Bagong Pilipinas Ngayon kay DOH Asst. Sec. Albert Domingo, ibinahagi niyang 10 porsyento ng senior citizens ang mayroong dementia, kung saan, Alzheimer’s disease ang nangungunang sanhi nito.
"Kapag araw-araw po nagkakaproblema sa pag-aalaala, sa memory, sa ating pag-iisip, ibig sabihin parang nawawala ba iyong takbo ng pinag-uusapan or even sa pagsasalita nag-iiba at nangyayari ito araw-araw at madalas; hindi na po normal iyon, hindi po normal sa isang matanda na maging ulyanin,” saad niya.
Kung kaya nama’y bilang pagbibigay tugon sa kondisyong ito, ginugunita sa bansa ang Alzheimer’s Awareness Week tuwing ikatlong linggo ng Setyembre, alinsunod sa Proclamation No. 1136.
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang Alzheimer’s Disease ay isang brain disorder na nagdudulot ng pagkawala ng memorya, pagbabago sa personalidad, at unti-unting pagkawala ng kakayahan na makakilos mag-isa.
Sa pag-aaral ng Alzheimer’s Association, ang mga sintomas ng Alzheimer’s Disease ay progressive o lumalala sa katagalan, kung saan ito’y dumadaan sa tatlong stages.
Ito ay ang early, middle, at late stages o mild, moderate, at severe sa medikal na konteksto.
Sa early stage, ang indibidwal ay maaari pang makakilos mag-isa, ngunit mayroon nang memory lapses tulad ng pagkalimot sa ilang pamilyar na salita o lokasyon ng ilang mga gamit.
Kasama rin dito ang hirap sa pag-alala sa mga pangalan ng tao, pagkalimot sa materyal na kakabasa pa lamang, at hirap sa pagpaplano o pag-o-organize.
Ang middle stage naman ang kadalasang pinakamatagal at maaaring tumagal ng ilang taon kung saan ang mga sintomas ay mas lumala na at nakaaapekto na sa mood at pang-araw-araw ng isang indibidwal.
Sa stage na ito, maaaring makaranas ng moodiness o withdrawal ang isang indibidwal, partikular sa mga socially o mentally challenging na sitwasyon.
Kasama rin dito ay ang pagkalito sa kanilang sitwasyon o sa kasalukuyang araw, hirap sa pagpigil ng kanilang dumi at pag-ihi, pagbabago sa kanilang sleeping patterns, at madalas na pagkawala.
Sa stage rin daw na ito, kinakailangan na ng assistance ang isang indibidwal.
Ang panghuli ay ang late stage kung saan ang mga sintomas ay tuluyan nang lumala.
Dito ay maaari nang makaranas ng problema sa komunikasyon ang isang indibidwal, at hirap sa pag-kontrol ng kanilang galaw.
Kasama rito ay ang pagkakaroon ng mahinang pangangatawan at pagiging lapitin ng mga impeksyon tulad ng pneumonia, hirap sa paggawa ng ilang gawain tulad ng paglalakad at pag-upo, at pagkawala ng kamalayan sa kapaligiran.
Sa stage na ito, kinakailangan ang round-the-clock assistance ng isang malapit na kapamilya at ng medical caregiver para masigurado na maibibigay ang mga pangangailangan.
Ayon sa National Health Service (NHS), madalas naaapektuhan ng Alzheimer’s Disease ay ang mga nasa 65-anyos pataas, at kadalasan, ang mga sintomas nito ay mula rin sa family history, head injury, at lifestyle.
Habang wala pang tiyak na lunas dito, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ito ang ilan sa mga lifestyle habits na makakatulong para mapanatiling malusog ang isip:
1. Pagkakaroon ng regular na physical activity
2. Maintenance ng blood pressure at tamang timbang
3. Paglimita sa pag-inom ng alkohol at paninigarilyo
4. Pag-iwas at pag-manage ng diabetes
5. Agarang pag-agap sa pandinig
Sean Antonio/BALITA