Inihanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 2.6 milyong family food packs (FFPs) bilang paghahanda sa hagupit ng posibleng super typhoon “Nando.”
“Our goal is to make sure that assistance reaches the people at the soonest possible time. Prepositioning these resources allows us to respond without delay. Maagap at mapagkalingang serbisyo ang kailangan sa ganitong panahon dahil gusto po ng ating pangulo na walang magugutom tuwing may kalamidad,” saad ni DSWD DRMG (Disaster Response Management Group) Asst. Sec. at spokesperson Irene Dumlao nitong Biyernes, Setyembre 19.
Ayon din sa Facebook post ng DSWD, ang 2.6 milyong FFPs ay nakapuwesto sa iba’t ibang warehouse sa bansa, at nakahandang ipamigay sa local government units (LGUs) na maaapektuhan ng Bagyong “Nandong.”
“Local government units have also been tapped to coordinate with our DSWD FOs (Field Offices) for possible augmentation requests,” saad ni Dumlao.
Aniya pa, habang naghahanda para sa bagyo, ang DSWD ay patuloy na pinangungunahan ang pamimigay ng FFPs at non-food items sa mga pamilya at indibidwal na naapektuhan ng Bagyong “Mirasol.”
“Patuloy po ang pamimigay natin ng mga relief assistance sa ating mga kababayan na nasa loob ng evacuation centers at mga lubhang tinamaan ng bagyo,” aniya.
Base sa report ng Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC), mahigit ₱2.27 milyon ang halaga ng FFPs at non-food items na naipamahagi sa mga residente na nasalanta ng Bagyong Mirasol sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sean Antonio/BALITA