Inalmahan ng aktres na si Sunshine Cruz ang mga kumakalat na posts patungkol sa kaniya, sa mga anak sa dating mister na si Cesar Montano, at sa kasalukuyang karelasyong negosyanteng si Atong Ang.
Batay sa mga kumakalat na posts, mababasa sa mga social media page na gumagawa ng fake news na kesyo buntis na raw siya kay Atong.
May bersyon pa na nagsasabing umano'y "ginalaw" ni Atong ang isa sa mga anak niya, na talaga namang nakakaloka at puwedeng paniwalaan, kung mapagpaniwala sa mga post ang netizen na makakabasa nito.
Ngunit mula na mismo kay Sunshine ang pagtanggi sa mga nabanggit na tsika, at malinaw raw na pawang fake news lamang ang mga naglipanang balitang ito.
"Posting for awareness," saad ni Sunshine.
"FAKE NEWS po ang lahat ng ito guys fyi."
"These accounts are not legit and they make up stories for views. Every click from us ay kumikita sila kaya nagkakalat sila ng mga imbentong kwento usually dito sa FB at sa Youtube. Huwag po tayo basta maniwala sa mga gawa gawang kwento. If you guys happen to see these articles at mapadaan sa feed nyo, kindly report if you can para mabawasan ang mga nagpapakalat ng #fakenews sa social media. Thank you!" mababasa sa abiso ni Sunshine.
Sa isa pang Facebook post, nilinaw ni Sunshine na hindi siya buntis at maging ang mga anak niya. Hinimok niya ang mga netizen na huwag paniwalaan ang mga nakikita o nababasa nilang posts online.
"Few weeks ago binubugbog, nakulong o nasa hospital daw ako, ngayon buntis naman ako or ang mga anak ko. Surprisingly, marami ang naniniwala na totoo itong mga ganitong klase ng kwento. Kaloka si meta at youtube. Monetized pa ang mga ito kaya padami ng padami ang nagpapakalat ng fake news," aniya pa.
Matatandaang hindi ito ang unang beses na nabiktima ng fake news si Sunshine. Noong Hunyo, pinalagan naman niya ang pekeng mga balita na umano'y binubugbog siya ni Atong.
KAUGNAY NA BALITA: Sunshine Cruz pumalag na binubugbog siya ni Atong Ang, hiwalay na sila