Nag-alburoto ang dugo ni Sen. Erwin Tulfo at magkakasabay niyang kinuwestiyon sina dating Bulacan District Engineer na si Henry Alcantara, dating assistant district engineer Brice Hernandez, project Engineer Arjay Dumasig, at dating Bulacan Assistant 1st District engineer Jaypee Mendoza.
Sa naging pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Senado nitong Huwebes, Setyembre 18, 2025, hindi napigilang uminit ng ulo ni Tulfo at magsalita pagkatapos ng naging paliwanag ni Alcantara sa Senado.
“Ang problema sa ‘yo kasi Mr. Alcantara, ikaw ‘yong hepe, tama? Dapat ini-inspection mo ‘yon. Pangalawa, huwag mong sabihin-sabihing wala kang kinalaman, e, nando’n ka sa limpak-limpak na perang iniimpake. Sana tinanong mong ‘saan galing ito mga hijo, napakarami naman?’ Huwag mong sabihing hulog ng langit ‘yong pera na ‘yon,” pagsisimula ni Tulfo.
Pagdidiin ng senador, imposible umanong hindi magsuspetsa si Alcantara na ilegal ang maraming perang iniimpake nila.
“So it must have [came from] somewhere. It must have come somewhere na illegal kaya napakaraming pera[...] Ikaw ‘yong hepe. Dapat doon pa lang kaagad, nakita mo nang napakaraming pera, you would have stop them,” paliwanag ni Tulfo.
Bigla namang pinagbalingan ng init ng ulo ng senador sa gitna ng kaniyang pagsasalita si Dumasig na huwag daw umano siyang “magpakasanto” dahil hindi man lang niya sinumbong ang ginawa nila sa mga awtoridad.
“At maging itong si Dumasig. Huwag kang magpasanto-santo ‘yong mukha d’yan. Ano ka t*nga? Engineer ka, hindi mo man lang sinumbong sa proper authorities?” panggigigil ni Tulfo.
Hindi rin muna pinasabat ni Tulfo ang magsasalita sanang si Hernandez.
“Tumahimik ka muna dyan Brice Hernandez. H’wag ka munang magsumagot-sagot,” pagpipigil ng senador.
Kasunod namang kinuwestiyon ni Tulfo si Dumasig kaugnay sa hindi nito paglapit sa awtoridad.
“Ikaw, Dumasig. You could have went to Metro Manila, kay office secretary [dating DPWH Sen. Manuel Bonoan]. Unless kasabwat din ninyo ang secretary? O kung wala ka nang tiwala, doon kay RD (Regional Director),” anang Tulfo.
Pahabol pa ni Tulfo, “[n]akipagsabwatan kasi kayo. Dahil kumita kayong lahat. Kasama ka sa casino, e. Pinikit mo na rin kasi ang mata mo. Nasaan ‘yong social responsibility [at] moral responsibility mo sa bayan na ito? Nanumpa ka pa.
“Alam mo, Mr. Chair [Sen. Ping Lacson], dapat tanggalan ng lisensya ito ng Philippine Regulatory Commision itong mga ito. Conduct Unbecoming. Nanumpa-numpa pa kayo.”
Ayon pa kay Tulfo, hindi umano niya tatanggapin ang paliwanag ni Mendoza.
“Mr. Chair, with the indulgence of Senator JV, I will not buy the explanation of engineer Jaypee Mendoza. Therefore, I would suggest this person in contempt, Mr. Chair,” pagtatapos ni Tulfo.
Agad namang nagbigay ng pahayag si Hernandez kaugnay sa mga nasabi ni Tulfo.
Aniya, umaamin naman na umano sila ngunit hindi niya alam ang dahilan kung bakit ayaw pang magsalita umano ng tinawag niyang “boss.”
“‘Yong sa amin po, umamin naman po kami na. Hindi ko alam kung bakit ayaw pa pong aminin ng boss namin na alam niya rin lahat ng nangyayaring ‘to.
“Kami po, wala na pong mawawala sa amin. Naka-all out na po kami. Inaamin po namin ‘yong ginawa po namin [at] ‘yong kasalanan po namin. At kung ano po ‘yong kailangan naming ibalik, willing po kami,” paggigiit ni Hernandez.
Samantala, sinabi rin ni Hernandez kay Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Panfilo “Ping” Lacson na wala umano siyang pinagtatakpan na indibidwal bagkus nag-iingat lamang siyang magturo umano ng mga tao nang walang sapat na ebidensya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita