Nagkaroon ng pagtitipon ang Quezon City Police District (QCPD) upang mapag-usapan ang magiging planong paghahanda nila para sa mga kilos-protesta na isasagawa ng iba’t ibang progresibong grupo sa darating na Linggo, Setyembre 21.
Ayon sa mga ulat, pinangunahan ni Acting District Director, PCol. Randy Glenn Silvio ang naging preparatory coordination meeting ng QCPD nitong Huwebes, Setyembre 18, 2025.
Tinalakay umano sa nasabing pulong ang mga probisyon ng Batas Pambansa Blg. 880 o mas kilala bilang Public Assembly Act of 1985 na tumutuon sa partikular na pagpapanatili ng maximum tolerance, kaligtasan ng publiko, at maayos na daloy ng trapiko.
Nag-ulat din umano ang local government unit (LGU) ng Quezon City ng magiging kondisyon sa mga gaganaping kilos-protesta ng mga tao sa Linggo, Setyembre 21, halimbawa ng pagtutukoy ng designated areas na pagtitipunan ng mga raliyista at rerouting scheme upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko ang mga magra-rally.
Dinaluhan ang nasbing pagpupulong ng QCPD ng mga kinatawan mula sa QC-LGU na pinamunuan ni Police Brigadier General Elmo San Diego (Ret.), Head ng Department of Public Order and Safety (DPOS), kasama si Ms. Mieshel Tesorero mula Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO), Fire Superintendent Jessie James Samaniego mula Bureau of Fire Protection (BFP), Jail Senior Inspector (JSINSP) Adrian Paul Marantan mula Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Mr. Reden Acoba mula Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ganoon din ang mga organizers ng kilos-protesta mula sa Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT) sa pamumuno ni PMGEN Wilfredo Franco (Ret.), Mr. Edwin Fernandez (CLCNT Coordinator), Ms. Judy Ann Miranda (CLCNT Tindig Program Head), Ms. Joanna Caumeran (Siklab), Mr. Teddy Lopez (TP Siklab), Ms. Ruby Monge (Nagkaisang Siklab), Mr. Kiko Aquino Dee (Tindig Spokesperson), at Mr. Dante Lardizabal (Anim Bikers for Good Governance).
Natapos umano ang nasabing pagpupulong sa paglalagda sa Memorandum of Understanding (MOU) ng mga pinuno ng mga nabanggit na ahensya at organisasyon na magsisilbing patunay na titiyaking ng bawat-isa na magiging payapa, maayos, at ligtas ang daloy ng isasagawang Prayer at Indignation rally sa darating na Linggo.
Mc Vincent Mirabuna/Balita