January 24, 2026

Home BALITA

Pasay LGU, nakahanda pa rin sa posibleng epekto ng tigil-pasada

Pasay LGU, nakahanda pa rin sa posibleng epekto ng tigil-pasada
Photo courtesy: Pasay City PIO (FB)


Nakahanda pa rin ang Pamahalaang Lokal ng Pasay sa mga posibleng epekto ng tigil-pasada hinggil sa mga isinasagawang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo laban sa umano’y korapsyon sa gobyerno.

Ibinahagi ng Pasay City Public Information Office sa kanilang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 18, na nakaantabay ang LGU sa anumang kailanganin ng mga residente, lalo na sa transportasyon.

“Naka-antabay pa rin sa harapan ng Bulwagang Pampamahalaan ng Lungsod Pasay ang mga sasakyang tutugon sa mga mananakay na mahihirapang bumiyahe sa ikalawang araw ng tigil-pasada, Setyembre 18, 2025,” ani Pasay City PIO.

Ang inisyatibong ito ay nasa ilalim umano ng direktiba ni Pasay City Mayor Emi-Calixto-Rubiano.

“Nananatili ang direktiba ng Ina ng Lungsod, Mayor Emi Calixto-Rubiano na alalayan ang mga Pasayeñong maaapektuhan ng pagkilos na ito at manatiling alerto saan man sa lungsod may matinding pangangailangan ng masasakyan,” anila.

Inaasahan ng Pasay LGU na hanggang ngayong araw na lang daw ang tigil-pasada, kung pagbabasehan umano ang mga anunsyo mula sa mga samahang nag-organisa ng mga kilos-protesta.

Matatandaang kamakailan lamang ay nag-anunsyo ng tigil-pasada ang mga grupong PISTON at MANIBELA upang magsagawa ng malawakang kilos-protesta hinggil sa malaking korapsyon na kinahaharap ng bansa na may kinalaman sa mga maanomalyang flood control projects.

KAUGNAY NA BALITA: MMDA, handa sa ikakasang transport strike ng Piston at Manibela-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA