Nagbaba ng ilang paalala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa mga mamamayang makikiisa sa mga gaganaping kilos-protesta laban sa mga umano’y korapsyon sa gobyerno.
Sa layong mapanatili ang kaligtasan ng bawat indibidwal at kapayapaan sa pagpapahayag ng mga adbokasiya sa mga inaasahang kilos-protesta, ito ang mga paalala na ibinahagi ng NCRPO sa kanilang Facebook post kamakailan:
1. Ang pagtitipon ay pinahihintulutan lamang sa freedom parks o sa mga pampublikong espasyo, at tandaang kailangang mayroong permit mula sa lokal na pamahalaan.
2. Sumama lamang sa mga lehitimong grupo at sumunod sa mga batas trapiko.
3. Alamin ang mga lugar na pinagkakalagyan ng police assistance desk at first aid station.
4. Payapayang ipaabot ang mga saloobin at bantayan ang sariling kaligtasan.
5. Ang pagdadala ng anumang sandata sa loob ng pagtitipon ay mahigpit na ipinagbabawal.
Binanggit din ng NCRPO na handa ang kanilang hukbo at tinitiyak nila ang peace and order sa mga kilos-protesta sa Metro Manila sa pamamagitan ng maximum tolerance sa mga raliyista.
Sa kabilang banda, ang National Capital Region Command (NCRCOM) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nananawagan din sa publiko na makipagtulungan sa mga otoridad at sabay na magbigay solusyon.
Sean Antonio/BALITA