December 19, 2025

Home BALITA

'Malinaw na may bid rigging na naganap sa flood control projects' — Sen. Bam

'Malinaw na may bid rigging na naganap sa flood control projects' — Sen. Bam
Photo courtesy: Bam Aquino (FB)


Inilahad ni Sen. Bam Aquino na malinaw umanong may bid rigging na naganap sa maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ibinahagi ni Sen. Bam sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 18, na malinaw ang sinasabi niyang may bid rigging talaga, at ito ay kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon.

“Malinaw na may bid rigging na naganap sa mga flood control projects — at kinumpirma ito ni DPWH Sec. Dizon,” ani Sen. Bam.

“Sa dami ng offense, MAAARING UMABOT SA BILYON ang multa at maibalik sa kaban ng bayan ang perang ninakaw,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag niya rin ang Philippine Competition Act, na nagsasabing may mabigat na parusa ang pag-commit ng bid rigging.

“Sa ilalim ng Philippine Competition Act (batas na ating isinulong noong 2015), mabigat ang parusa laban sa bid rigging: ₱100M - ₱250M kada offense,” aniya.

“Maaaring kasuhan ang mga contractors sa pamamagitan ng Philippine Competition Commission (PCC), na may kapangyarihang magsagawa ng sariling imbestigasyon,” dagdag pa niya.

Ibinigay rin ng mambabatas ang kahulugan ng bid rigging, na siyang tinutukoy niya na nagaganap sa ilang flood control projects ng bansa.

“Ang bid rigging ay isang uri ng sabwatan o kasunduan sa pagitan ng mga kumpanya o kontratista para kontrolin ang resulta ng isang public bidding. Imbes na patas na mag-compete para makuha ang proyekto, pinagkakasunduan nila kung sino ang mananalo o kung magkano ang presyo. Sa madaling salita, kapag may bid rigging, nagsasabwatan ang mga kontratista para dayain ang proseso,” anang mambabatas.

Idiniin niya ring importante sa taumbayan hindi lang may makulong, kung hindi maibalik din ang pera ng bayan.

Matatandaang kamakailan lamang ay nagpahayag ng suhestiyon ang mambabatas na gumamit ng ibang estratehiya upang masugpo ang malalang baha sa bansa.

MAKI-BALITA: Sen. Bam, nagmungkahi ng bagong estratehiya para masugpo malalang pagbaha-Balita

Nirekomenda niya ring ilaan sa sektor ng edukasyon ang ibang pondo, kaysa ilagay ito sa mga pekeng proyekto at kalokohan.

MAKI-BALITA: ‘Pera ng bayan, ilaan sa silid-aralan at 'wag sa pekeng proyekto at kalokohan’—Sen. Bam-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA