Tila hindi na nagustuhan ng social media personality na si Whamos Cruz ang ilan sa mga pumipintas at nagsasabing sana raw, huwag niyang maging kamukha ang pangalawang baby nila ng partner na si Antonette Gail Del Rosario.
Nitong Setyembre, ibinahagi ng mag-partner na masusundan na ang panganay nilang anak na si Baby Meteor. Ibinida ng dalawa ng sonogram para sa magandang balita.
"ISANG ANGEL NANAMAN ANG DARATING SA BUHAY NATEN," saad ni Whamos.
Subalit tila inalmahan naman niya ang mga netizen na nagsasabing sana raw, hindi niya maging kamukha ang baby kapag naisilang na ito ni Antonette.
"ETO NANAMAN TAYO SA WAG KO DAW SANA MAGING KAMUKA ANG BABY PAG LABAS HAYS HANGGANG KAILAN NYO BA AKO LALAITIN? HANGGANG SA PAG TANDA KOBA?" mababasa sa post ni Whamos.
Dagdag pa niya, "BAKET BA HINDI NALANG KAYO MAGING MASAYA PARA SAKEN? ANO BANG MALING GINAWA KO SA INYO?TAPOS SASABIHIN PA NG IBA HINDI KO DAW ANAK NANAMAN."
Samantala, sinabi naman ng followers ng mag-partner na huwag na lamang intindihin ang bashers dahil ang mas mahalaga, mas masaya sila habang lumalaki ang kanilang pamilya.