Magsasagawa ng policy review ang Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa mga government-funded travel ng mga lokal na opisyales ng gobyerno.
Ang inisyatibong ito ay ipinahayag ni DILG Sec. Jonvic Remulla noong Miyerkules, Setyembre 18, matapos ang online backlash ng kamakailang training ng Manila SK (Sangguniang Kabataan) Federation sa Thailand.
"Maybe it's time to review the policy to ensure that all travel, if government-funded, is legitimate and serves a specific purpose," saad ni Remulla.
Ibinahagi niyang plano ng DILG na maglabas ng memorandum circular na magpapaliwanag kung ano ang mga gastusin at clearance na kakailanganin para sa official travel.
"We need to carefully examine the language, particularly when it comes to where the funds should or should not come from. We also need to specify the clearances required for such trips." aniya.
Binanggit din niya na mula sa kaniyang karanasan sa pagiging gobernador ng Cavite, ang mga ganoong training program sa abroad ay hindi kinakailangan.
"What surprised me most was the way they openly flaunted their good time, posting about it repeatedly. It's part of a larger culture of trying to impress others, and that’s ultimately what led to all of this," aniya pa.
Sa kaugnay na balita, ang nasabing “SK trip” ay layong mapalawig ang kaalaman ng mga miyembro ng Manila SK Federation hinggil sa Human immunodeficiency virus (HIV) prevention at magkaroon ng cultural at tourism immersion.
Ayon kay Councilor Juliana Ibay, Presidente ng Manila SK Federation, ang SK trip ay pinondohan mula sa SK funds, kung saan, bawat miyembro ay naglaan ng ₱33,990 para sa seminar, airfare, accomodation, at pagkain.
Ang mga miyembro rin daw ay nakatanggap ng ₱6,000 daily subsistence allowance alinsunod sa guidelines ng gobyerno.
Ipinaliwanag din ni Ibay na inaprubahan ng DILG at Manila City Government ang official travel na ito.
Gayunpaman, ang mga naibahaging litrato sa social media, kung saan makikita ang mga miyembro ng SK Federation na nasa boat-riding at elephant-riding, ay nakatanggap ng backlash mula sa netizens at tinawag itong “paglustay” ng pondo ng bayan.
Sean Antonio/BALITA