Kinondena ng dating Caloocan 2nd District Representative na si Mitch Cajayon-Uy ang pagkakadawit umano sa kaniya ni dating DPWH Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez sa maanomalyang flood control projects, kung saan sinabing nakatanggap umano siya ng P16.5 milyon.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, Setyembre 18, pinangalanan ni Hernandez ang isang "usec" na nakatanggap umano ng P16.5 milyon na ipinadala sa DPWH.
Sa naturang pagdinig, itinanong ni Senate Pro Tempore Panfilo "Ping" Lacson si Hernandez kung kanino ipadadala ang isang bulto ng pera, na nagkakahalaga umano ng P16.5 milyon.
"['Yong] P16.5 milyon para doon sa sinabi mong pangalan. 'Yong full name nga sabihin mo, for the record," ani Lacson.
"Ang nakalagay po kasi is Usec. Mitch Cajayon po," sagot ni Hernandez. Gayunman, hindi niya raw ito kilala.
Sa isang pahayag ni Cajayon-Uy nitong Huwebes ng gabi, kinondena niya ang "walang basehang paninira" sa kaniyang pangalan.
"Mariin kong kinokondena ang walang basehang paninira sa aking pangalan sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kung saan idinawit ako ni Brice Hernandez at sinabing umano’y nakatanggap ako ng ₱16.5 milyon mula sa mga flood control projects noong 2022–2023," panimula niya.
Binigyang-diin pa niya na naging kinatawan siya ng Caloocan at hindi ng Bulacan.
Kasunod nito, iginiit niyang wala raw siyang anumang naging ugnayan kay Hernandez.
"Wala akong anumang naging ugnayan kay Brice Hernandez, siya na rin mismo ang nagsabi ng ilang ulit na hindi kami magkakilala at maging kay Henry Alcantara. Ang mga paratang na ito ay pawang walang katotohanan," ani Cajayon-Uy. "Lahat ng proyektong ipinatupad mula noong ako’y muling naupo bilang Kinatawan ng Distrito Dos ng Caloocan noong 2022 hanggang 2025 ay nasa public record — bukas, malinaw, at maaaring suriin ng sinuman. Alam ng mga taga-Distrito Dos na hindi mga proyektong imprastraktura ang naging sentro ng ating panunungkulan."
"Nauunawaan ko ang galit ng publiko sa mga ghost flood control projects, ngunit huwag sanang isangkot ang walang kinalaman, at huwag gamitin ang aking pangalan para sa kasinungalingan.
"Kung may ebidensya, ipakita; kung wala, huwag dungisan ang serbisyo publiko sa pamamagitan ng paninira at pagbabalatkayo," paglalahad pa niya.
Binanggit din ni Cajayon-Uy na malinis ang track record niya at malinis daw ang kaniyang konsensya.
"Malinis ang aking rekord at higit sa lahat, malinis ang aking konsensya. Ang aking naging paglilingkod ay tapat at nakatuon lamang para sa kapakanan ng aking mga kababayan sa Distrito Dos ng Caloocan."
"Walang kasinungalingan o paninira ang makakayanig sa katotohanan, ni makakabura sa tiwalang ibinigay sa akin ng taong-bayan."