January 04, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Electrical Engineer nakapagtapos ng kolehiyo sa loob ng kulungan, may 4 pang PRC license!

#BalitaExclusives: Electrical Engineer nakapagtapos ng kolehiyo sa loob ng kulungan, may 4 pang PRC license!
Photo courtesy: Daniel Villamor Quisa-ot (FB)

Hinangaan ng marami ang determinasyon at tibay ng pananampalataya ng dating detainee at ngayo’y Electrical Engineer sa pagkuha ng kaniyang bachelor’s degree sa loob ng bilangguan.

Dating scholar, Dean’s Lister, at Math Wizard, ang landas ni Daniel Quisa-ot ay lubos na nag-iba ng siya’y nabilanggo isang semestre bago niya matapos ang kaniyang degree.

Bagama’t humarap sa mga hirap at pagsubok ng pagkakakulong at pag-aaral, pinatunayan niyang hindi hadlang ang rehas para maabot ang pangarap niya at ng kaniyang mga magulang.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Daniel, ibinahagi niya ang kaniyang mga naging karanasan at kung paano siya bumangon.

Human-Interest

Pabalik na sila! Bakit 'main character' mga taga-NCR na pabalik galing sa probinsya?

“Habang kinukompleto ko ‘yong degree ko sa loob ng bilangguan, marami akong naranasang challenges at kahirapan sa loob, hindi lamang ‘yong pagkawalay sa classmates at professors ko, kundi ‘yong sitwasyon sa loob. Kasi nag-aaral ka may nagsusuntukan sa likuran mo, nag-aaral ka may tanong nang tanong kung ano ang ginagawa mo, nag-aaral ka mabaho ang paligid mo kasi may naghahagis ng mga dumi nila, nag-aaral ka wala kang gadgets na makaka-research ng mga tanong mo,” saad niya.

Ibinahagi niya na bagama’t pinangarap niyang maging Engineer bilang pagpapatuloy ng pangarap ng ama, ang mga pagsubok na ito ang nag-udyok sa muntik na niyang pagsuko.

Ikinuwento rin ni Daniel na dahil nasa huling semestre na siya ng kaniyang degree nang siya’y mabilanggo, kinailangan niyang mag-drop ng enrolled subjects at huminto sa pag-aaral.

Gayunpaman, pumayag ang kaniyang pamantasan na ituloy niya ang pag-aaral sa sumunod na school year dahil wala pa siyang hatol noong mga panahong iyon.

Kung kaya naman, ang kaniyang thesis na “Design and Installation of Jail Alarm and Communication System,” ay tinapos niya sa pagsusulat lamang, na ipinadala niya sa labas, at ibinabalik sa kaniya ng panel para sa revisions.

“‘Yong tumulong sa akin, unang-una sa lahat, University President namin, si Rev. Jojo Sumastre, professors ko sa Department of Electrical Engineering, special friends, at pamilya ko, of course, at isa pa sa mga tumulong sa akin na ituloy ko ang pag-aaral ko sa loob ay ‘yong warden ng jail,” saad niya.

Sa dalawang taon ding kaniyang inilagi sa bilangguan, nanatiling matatag ang pananampalataya ni Daniel.

“Alam ko naman na may mga plano talaga na inilatag at inihanda si Lord sa bawat isa, sa buhay natin. Akala ko no’ng una, wala na, wala nang pag-asa, pero may katiting na pananampalataya, na, ‘Lord, Ikaw na ‘yong bahala.’ ‘Yong faith na ‘yon, hindi nagbago, na-improve lang,” aniya.

Nang ma-dismiss ang kaso niya, kinailangang mag-board exam agad ni Daniel dahil sa pagkamatay ng ama.

“‘Yong panahon na nakalaya na ako, nawala ‘yong Papa ko, kaya need ko na mag-take ng board exam for me to become a breadwinner,” saad niya.

Binanggit din ni Daniel na bagama’t ginusto rin niyang ipagpaliban ang pagkuha ng board exam dahil gusto niyang mas magkaroon pa ng panahon sa pagre-review, agad naman siyang nag-take at nakapasa nang hindi pumupunta sa review center.

Sa pagtatapos ng panayam, nag-iwan siya ng mensahe para sa mga taong may mabigat na pinagdadaanan sa buhay pero pursigido pa ring abutin ang kanilang pangarap.

“Ang dapat nating gawin ay magpatuloy. Kung nahihirapan, magpahinga, magpatuloy. Pinakaimportante ay humingi ng tulong sa Panginoon. Consequences man ‘yon sa mga ginawa natin o trials lang, magpatuloy pa rin tayo sa ating pangarap, dahil matatamasa natin ‘yan sa tamang panahon,” aniya.

Dagdag pa niya, “Struggles are part of the journey to success. Mas matatamasa mo ang sarap ng tagumpay dahil sa kahirapan. Patuloy lang, hindi kailangang agad-agad na makuha natin ‘yong victory but it's worth the wait. Wag lang titigil.”

Bilang isang Kristiyano, kasama rin niyang ibinahagi ang salitang kaniyang pinanghawakan habang nasa loob ng bilangguan.

“Jeremiah 29:11, ‘for I know the plans I have for you, plans to prosper you, not to harm you. Plans to give you hope and a good future’ ginulpi man tayo ng mga pangit na karanasan, parehas lang ang ating kahahantungan, which is ‘yong hope and a great future,” aniya pa.

Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Daniel bilang Electrical Engineer sa gobyerno, kung saan, siya ay mayroon ding apat na Professional Regulation Commission (PRC) licenses.

Ito ay bilang Electrical Engineer, Master Electrician, Registered Master Plumber, at Certified Plant Mechanic.

Minsan, mahirap intindihin kung ano ang tunay na kalooban ng Diyos sa buhay ng isang tao. Subalit kung magtitiwala lamang sa Kaniya, samahan pa ng tibay ng loob at determinasyon, tiyak na maaabot pa rin ang mga pangarap basta’t huwag susukuan.

Sean Antonio at Richard de Leon/BALITA