December 12, 2025

Home BALITA National

'Wala naman naging solusyon, trapik pa rin:’ 'Manibela, pinatutsadahan pagkomyut ni DOTr Acting Sec. Lopez

'Wala naman naging solusyon, trapik pa rin:’ 'Manibela, pinatutsadahan pagkomyut ni DOTr Acting Sec. Lopez
Photo courtesy: MB, DOTr (FB)


Binatikos ng Pangulo ng grupong Manibela na si Mar Valbuena ang pagsubok ni Department of Transportation (DOTr) Acting Sec. Giovanni “Banoy” Lopez na mag-commute kamakailan. Aniya, hindi naman daw nabigyang-solusyon ang trapik sa ginawa nito.

KAUGNAY NA BALITA: DOTr Acting Sec. Giovanni Lopez, sinubukan maging pasahero sa kasagsagan ng 'Monday Rush Hour'-Balita

Ibinahagi ni Valbuena sa kaniyang pakikipanayam sa DZMM Radyo Patrol 630 nitong Miyerkules, Setyembre 17, na nalulungkot umano siya sa tuwing papalitan ang kalihim ng kagawaran, sapagkat lagi na lang umano silang nag-eeksperimento.

“Unang-una po, good acting ‘yong ginawa niya bilang acting secretary. Ngayon pa lamang po, alam n’yo po nakakalungkot, ‘no, tuwing magpapalit ng DOTr secretary, mag-eeksperimento, paulit-ulit na lang po ‘yong ganoong sistema ng mga nakaupo sa gobyerno,” ani Valbuena.

“Pero sa dami ng umupong DOTr secretary, wala naman pong naging solusyon, trapik pa rin, wala pa ring masakyan ‘yong taumbayan, wala tayong nakita na ginawa nila para maibsan ‘yong hirap ng mga commuters natin,” dagdag pa niya.

Nilinaw din niyang magkakaroon ng libreng sakay ang Manibela para sa mga dadalo sa gaganaping protesta ng iba’t ibang grupo sa Luneta at EDSA sa darating na Linggo, Setyembre 21, ukol sa umano’y korapsyon sa maanomalyang flood control projects.

“Pagdating naman ng September 21, kami naman ay maglilibreng sakay, doon sa mga pupunta po sa Luneta saka sa EDSA. Dapat nga po protesta lang talaga ito para ipanawagan at mangalampag tayo na tama na, sobra na, tigilan na itong mga korapsyon na ito. Dapat arestuhin itong mga magnanakaw sa kaban ng bayan,” aniya.

“Isipin mo mula umaga hanggang hatinggabi, nagpapakapagod, nagpapakapuyat tayo na bumiyahe, tapos ‘yong mga Value Added Tax (VAT) natin sa fuel, excise tax natin sa fuel, pinangca-casino lang nitong mga walanghiyang kurakot na ito,” dagdag pa niya. 

Isiniwalat din ni Valbuena na nasa 100,000 miyembro ng kanilang grupo mula sa buong bansa ang nakatigil pasada ngayong araw upang makilahok sa malawakang protesta laban sa hinaharap na korapsyon ngayon ng bansa.

KAUGNAY NA BALITA: MMDA, handa sa ikakasang transport strike ng Piston at Manibela-Balita

Matatandaang aabot sa tatlong araw ang nasabing transport strike ng Manibela ukol sa protesta nito laban sa korapsyon.

MAKI-BALITA: Manibela, magkakaroon ng 3 araw na transport strike kontra korupsyon

Vincent Gutierrez/BALITA