December 14, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Vice Ganda ginamit quote ni Morgan Freeman, patutsada sa mga politiko?

Vice Ganda ginamit quote ni Morgan Freeman, patutsada sa mga politiko?
Photo courtesy: Vice Ganda (IG)

Tila may pinasasaringan si Unkabogable Star Vice Ganda matapos niyang ibahagi ang isang quote mula sa Hollywood actor-producer na si Morgan Freeman, sa pamamagitan ng Instagram story.

Mababasa sa nabanggit na quote na kung gagawin daw underpaid ang mga politiko at overpaid ang mga guro, baka mas maraming matataling tao at kakaunti ang mga "stupid law."

“Maybe if we underpaid politicians and overpaid teachers, there would be smarter people and less stupid laws," mababasa sa ibinahaging art card ng komedyante-TV host.

Photo courtesy: Screenshot from Vice Ganda (IG)

Tsika at Intriga

Bianca dadalhin sa langit si Will, si Dustin naman sa impiyerno

Hindi na nagbigay ng dagdag na paliwanag si Vice, ngunit sapat na ang simpleng pagbabahagi niya ng quote para maikonekta ito sa mga isyung panlipunan at pampolitikang may kaugnayan sa korapsyon at anomalya.

Matatandaang hindi nawawalan ng mga pasaring si Vice Ganda hinggil sa katiwalian sa pamahalaan sa tuwing nagho-host sa noontime show na "It's Showtime."

Kagaya na lamang noong Setyembre 11, sa segment ng noontime show na “Laro Laro Pick," nakapanayam ni Vice Ganda at iba pang host ang isang lalaking contestant na si 'Ronron."

Nakuwento ng 21-anyos na si Ronron na pumasok na umano sa siya sa iba’t ibang uri ng trabaho kahit noong nasa murang edad pa lamang siya hanggang ngayon.

Hindi napigilang magbahagi ng pakikisimpatya ni Vice para sa mga katulad ni Ronron na disiplinado umano sa buhay.

Saad ni Vice, ang mga katulad ni Ronron na simple at mararangal na tao ang ninanakawan ng umano’y mga korap sa gobyerno.

“Ito ‘yong mga taong ninanakawan natin. Ang korapsyon ay hindi lamang pagnanakaw ng salapi ng bayan, ito’y pagnanakaw ng pag-asa. Ito ay pagnanakaw ng pangarap. Ito ay pagnanakaw ng magandang posibilidad,” ayon kay Vice.

Dagdag pa niya, “[a]t maraming tao na ang namatay dahil sa pagnanakaw ninyo ng pondo ng bayan.”

Sa pagpapatuloy ni Vice, inisa-isa niya ang mga uri ng mamamayan na silang nagdurusa dahil hindi umano nararatingan ng sapat na tulong mula sa gobyerno dulot ng umiiral na korapsyon.

“Maraming mga magulang ang hindi nakapagdala sa mga ospital ng kanilang may mga sakit na anak dahil sa korapsyon. Maraming matatanda ang hindi naagapan ang sakit dahil sa korapsyon. Maraming bahay ang nasira at nabagsakan dahil sa korapsyon. Maraming asawa ang naghiwalay dahil sa problema ng kahirapan,” paglilinaw ni Vice.

Pahabol ng Unkabogable Star na hindi lang umano salapi ang ninanakaw sa korapsyon kundi buhay rin ng mamamayang Pilipino.

“Kaya hindi lang pera ang ninanakaw ninyo, [kundi] buhay,” anang Vice.

Pinayuhan naman ni Vice si Ronron bawian niya umano ang mga nangungurakot umano sa pamamagitan ng pagboto nang tama at huwag pumayag na patuloy mangyari ang mga katiwalian.

“Kaya balikan mo ang mga nagnakaw sa ‘yo. Di ba, mababalikan natin sila? Sa anong paraan? Sa pagboto nang tama, sa ‘wag pagpayag na ito ay patuloy nilang gawin sa atin, at sa ‘wag pagpayag na ito ay nagawa nila nang gano’n-gano’n lang,” pagtatapos ni Vice.

Marami namang netizens ang naantig sa “heart felt message” ni Vice at sinang-ayunan nila ang komedyante.

KAUGNAY NA BALITA: 'Ang korapsyon ay hindi lamang pagnanakaw ng salapi kundi pagnanakaw rin ng buhay'—Vice Ganda