Nagkomento si Senador Ronald "Bato" Dela Rosa sa pagbitiw ni Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez bilang House Speaker nitong Miyerkules, Setyembre 17.
Sa isang ambush interview, hiningan ng komento si Dela Rosa kaugnay sa pagbitiw ni Romualdez bilang House Speaker.
"Is that a sign of guilt? Bakit siya nagresign? Sign of guilt ba yun?" anang senador.
"Guilt about what, sir?" tanong ng isang mamamahayag.
"About the accusations, [tungkol sa] problema natin sa flood control [projects]," dagdag pa niya.
Sa ginanap ng sesyon ng Kamara ngayong araw, sinabi ni Romualdez na napagpasyahan niyang bumaba sa puwesto matapos ang malalim na pagninilay at panalangin.
"After deep reflection and prayer, I have made a decision. Today, with a full heart and a clear conscience, I tender my resignation as Speaker of the House of the Representatives," saad ni Romualdez.
Maki-Balita: Romualdez, nag-resign na bilang House Speaker
Kaugnay nito, pinalitan siya ni Isabela 6th District Rep. Faustino "Bojie" Dy III bilang bagong House Speaker.
Nakakuha si Dy ng 253 kabuuang bilang ng boto mula sa mga kapuwa niya kongresista habang 28 naman ang nag-abstain.
“Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa mga kasama kong mambabatas sa House of Representatives sa paghalal n’yo sa akin bilang Speaker. Hindi ko po ito inaasahan,” saad ni Dy.
Maki-Balita: KILALANIN: Ang bagong House Speaker na si Bojie Dy III
Matatandaang isa si Romualdez sa mga idinawit ng kontraktor na si Curlee Discaya bilang isa sa mga tumatanggap umano ng porsyento sa pondo ng mga kontrata sa maanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH officials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co
Bagama’t pinabulaanan ni Romualdez ang mga paratang ni Discaya, patuloy pa ring lumakas ang panawagan na magbitiw siya sa puwesto.
Sa katunayan, pinag-usapan kamakailan ang bukas na liham ng mga retiradong pulis at militar na hinihikayat si Romualdez na bumaba sa kaniyang posisyon bilang House Speaker.
Maki-Balita: 'We want you out... NOW!' Retired AFP, PNP officers atbp. pinabababa sa puwesto si Romualdez