Kinagiliwan sa social media ang isang maikling video ng award-winning Kapuso journalist na si Kara David kung saan nagbitiw siya ng birthday wish para sa pagdiriwang ng 52nd birthday.
"Belated birthday dinner with the Cancios. Siyempre nagkukulitan na naman kami," mababasa sa caption ni Kara.
Sa Facebook reel, mapapanood na masaya munang nakipagkulitan si Kara sa mga taong kumakanta ng "Happy Birthday" sa kaniya.
Nang hingan na siya ng wish, "Wish... sana mamatay lahat ng kurakot sa Pilipinas!" sabay hipan sa mga nakasinding kandila sa ibabaw ng kaniyang cake.
Maririnig naman ang tawanan ng mga taong nasa background ng video.
Pagkatapos hipan ang mga kandila, natatawang inilapag na ng batikang mamamahayag ang cake.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Wish ko na sana matupad ang wish mo Ms. Kara. Happy birthday!!"
"Dapat ganyan lahat wish ng mag birthday buong taon"
"Sana nga po matupad ang wish niu ms kara"
"Gustong gusto ko ung wish mo ms kara … sana maging wish granted yan"
"Sana matupad ang wish mo. kasi wish din nmin yan eh."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 6 million views ang nabanggit na video.
Sa kasalukuyan, mainit pa ring pinag-uusapan ang korapsyon at anomalya sa likod ng flood control projects.