Usap-usapan ang mga kuhang video at ulat ng umano'y pagbubuhat na sa ilang mga kagamitan ni Leyte 1st District Representative at House Speaker Martin Romualdez mula sa tanggapan ng House Speaker sa House of Representatives (HOR), Martes ng gabi, Setyembre 16, batay sa mga mamamahayag na naka-duty doon.
Kabilang sa mga nakuhanan ng video ang pagtanggal at paglilipat ng name plate ni Romualdez, kung saan nakalagay na siya ang House Speaker.
Hindi naman malinaw kung saan ilalagay, magpapalit, o ililipat lamang ba ang mga nabanggit na kagamitan; o hudyat na ba ito ng sinasabing pagpapalit sa liderato ng HOR.
Maugong ang balitang magbibitiw na bilang lider ng Kamara, Miyerkules, Setyembre 17, si Romualdez, batay sa iba't ibang ulat.
Matatandaang bandang hapon ng Martes, Setyembre 16, ay maagang natapos ang sesyon sa Kamara, at napabalita rin ang pakikipagpulong ni Romualdez kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Matunog ang pangalan ni Isabela 6th District Representative at Deputy Speaker Faustino “Bojie” Dy III na siya umanong papalit sa kaniya bilang House Speaker.
Naging usap-usapan din ang pasabog ni Cavite 4th District Representative Kiko "Congressmeow" Barzaga hinggil sa pagkakaroon ng bagong House Speaker.
Sa Facebook page ni Barzaga, tila nagbigay na siya ng kumpirmasyong may bago na ngang House Speaker.
"Abangan niyo post ko sa page, magkakaroon na ng bagong house speaker!" aniya sa kaniyang Facebook page na "Congressman Kiko Barzaga," bandang 6:00 ng gabi.
Bandang 7:00 ng gabi, ibinahagi ni Barzaga ang ginawang pubmat na ang papalit na House Speaker ay si Dy, na "close friend of Martin Romualdez and party mate of President Marcos," batay sa mababasa rito.
"May bagong house speaker na!" aniya.
Bandang 10:00 ng gabi, sinabi ni Barzaga na wala na umano sa bansa si Romualdez.
"Wala na raw si Romualdez sa Pilipinas, baka kasama na niya ngayon si Zaldy Co," aniya.
KAUGNAY NA BALITA: 'May bagong house speaker na!'—Rep. Barzaga
Matatandaang bago nito, nagbigay rin ng pahayag si Barzaga sa pagnanais na maging House Speaker.
Samantala, inaabangan na ngayong araw ng Miyerkules, Setyembre 17, ang kumpirmasyon sa maugong na balitang ito.