Nagbigay ng agarang tulong medikal ang Philippine Coast Guard (PCG) sa isang mangingisdang nasugatan sa paligid ng karagatan ng Bajo de Masinloc habang nangingisda noong Martes, Setyembre 16, 2025.
Ang operasyon ay bahagi ng patuloy na pagtupad ng PCG sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na palakasin ang presensya ng bansa sa karagatang sakop ng Pilipinas at maghatid ng mabilis na ayuda, lalo na sa mga mangingisdang Pilipino.
Batay sa Facebook page ng PCG, ang nasabing mangingisda ay isang 32-anyos na residente ng Subic, Zambales. Habang nangingisda, inabutan siya ng malalakas na alon na naging dahilan upang siya’y mawalan ng balanse at masaktan sa kanang binti.
Matapos ang insidente, lumapit mismo ang mangingisda sa BRP Gabriela Silang (OPV-8301) na noo’y nasa lugar at humingi ng tulong medikal. Kaagad siyang inasikaso ng mga tauhan mula sa Coast Guard Medical Service at Coast Guard Nursing Service na sakay ng naturang barko. Agad nilang ginamot ang pamamaga sa kanyang kanang binti.
Matapos makakuha ng lunas, bumalik ang mangingisda sa kanyang bangka at ipinagpatuloy ang kaniyang pangingisda.