Ibinahagi ni Sen. Rodante Marcoleta ang courtesy call sa kaniya ni Vice President Sara Duterte, araw ng Miyerkules, Setyembre 17.
Ayon kay Marcoleta, ipinahayag ng Pangalawang Pangulo ang kaniyang patuloy na suporta at tiwala sa kaniya, sa pamamagitan ng courtesy visit sa tanggapan niya.
"LOOK: Vice President Sara Z. Duterte expressed her continued support and confidence for Senator Rodante Marcoleta during her courtesy visit today, September 17, 2025," mababasa sa caption ng post.
Malugod namang tinanggap ni Marcoleta ang pagbisita ng Pangalawang Pangulo at ipinahayag ang kanyang pasasalamat sa ipinakitang tiwala at suporta.
Hindi isiniwalat ang iba pang detalye ng kanilang pag-uusap.
Si Marcoleta ay isa sa mga naging senatorial candidate noon sa UniTeam, sa 2022 presidential elections.
Inendorso rin ni Duterte si Marcoleta sa nagdaang 2025 midterm elections. Matagumpay namang nagwagi ang dating Sagip party-list representative.
Kahit baguhan, agad na naitalagang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee si Marcoleta at pinangunahan ang pagdinig sa korapsyon at maanomalyang flood control projects.
Si Marcoleta rin ang naghain ng mosyon na ibasura ang articles of impeachment ni Duterte sa pagdinig ng Senate Impeachment Court, na kalaunan ay na-archive.
Ngunit agad ding napalitan si Marcoleta matapos ang naganap na kudeta kay Sen. Francis “Chiz” Escudero bilang Senate President noong Setyembre 8. Pinalitan siya ni Sen. Tito Sotto III na minsan na ring naging SP.
Sa interview naman ng mga mamamahayag, sinabi ni VP Sara na ang tanging pakay lamang niya ay dalawin ang senador.