Pinalitan na ni Isabela 6th District Rep. Bojie Dy si Leyte 1st District Rep. Martin Romuadez bilang bagong House Speaker.
Nakakuha si Dy ng 253 kabuuang bilang ng boto mula sa mga kapuwa niya kongresista habang 28 naman ang nag-abstain at apat ang hindi bumoto.
“Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa mga kasama kong mambabatas sa House of Representatives sa paghalal n’yo sa akin bilang Speaker. Hindi ko po ito inaasahan,” saad ni Dy.
Matatandaang isa si Romualdez sa mga idinawit ng kontraktor na si Curlee Discaya bilang isa sa mga tumatanggap umano ng porsyento sa pondo ng mga kontrata sa maanomalyang flood control projects.
“Karamihan sa mga kawani ng DPWH na nabanggit sa itaas ay paulit-ulit na binabanggit ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay at least 25%,” ani Discaya sa pagdinig sa Senado noong Setyembre 8.
Saad pa niya, “Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kaniyang malalapit na kaibigan.”
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH officials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co
Bagama’t pinabulaanan ni Romualdez ang mga paratang ni Discaya, patuloy pa ring lumakas ang panawagan na magbitiw siya sa puwesto.
Sa katunayan, pinag-usapan kamakailan ang bukas na liham ng mga retiradong pulis at militar na hinihikayat si Romualdez na bumaba sa kaniyang posisyon bilang House Speaker.
Maki-Balita: 'We want you out... NOW!' Retired AFP, PNP officers atbp. pinabababa sa puwesto si Romualdez
Kaya makalipas ang ilang araw, kinumpirma ng iba’t ibang sources ang pagbibitiw ni Romualdez. Napaulat pa nga ang pakikipagpulong niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
SINO NGA BA SI REP. BOJIE DY?
Ipinanganak si Bojie noong Agosto 31, 1986. May mahaba na siyang karanasan at kasaysayan sa politika. Hindi naman ito nakapagtataka dahil ang mismong ama niya ay Gobernador ng Isabela, si Faustino Dy.
Nagsimula si Bojie makapasok sa Kongreso noong 2001 at tumagal siya doon ng siyam na taon. Ilan sa mga panukalang batas na inihain niya ay ang House Bill 3539 o "National Research Council of the Philippines Act.”
Gayundin ang House Bill 3547 na naglalayong masuportahan ang tourism development ng Isabela.
Samantala, naihalal si Bojie noong 2010 bilang Gobernador ng Isabela. Matapos ang tatlong termino, tumakbo naman siya bilang Bise Gobernador at nanalo sa naturang posisyon.
Bumalik muli si Bojie sa Kongreso ngayong taon, 2025, matapos ang panunungkulan bilang Bise Gobernador ng nasabing probinsiya. Pinalad siyang manalo at nahalal pa ngang Deputy Speaker.
Sa kasalukuyan, may dalawang anak si Bojie na parehong nasa politika. Si Inno Dy ay kasalukuyang alkalde ng Echague, Isabela at si Kiko Dy naman ay Bise Gobernador sa naturang probinsya.