Usap-usapan ang Facebook post ni Sen. Imee Marcos matapos ang pagbitiw sa puwesto ng pinsang si Leyte 1st District Representative Martin Romualdez bilang House Speaker ng House of Representatives (HOR).
Mababasa sa kaniyang post, "BONJING OUT BODJIE IN."
Bagama't walang tinukoy na pangalan, naging mabilis naman ang mga netizen sa pagsasabing ang tinutukoy na "Bonjing" ay si Romualdez habang ssi "Bodjie" naman ay si Isabela 6th District Representative at dating Deputy Speaker Faustino "Bojie" Dy III, na siyang bagong House Speaker.
KAUGNAY N BALITA: Romualdez, nag-resign na bilang House Speaker
KAUGNAY NA BALITA: ‘I will not defend the guilty!’ Rep. Bojie Dy III, idineklara na bilang bagong House Speaker
SINO SI BONJING/BONDYING?
Si Bondying ay isang sikat na karakter sa kulturang popular ng Pilipinas, mula sa komiks ni Mars Ravelo. Una siyang lumabas sa pelikula noong 1954, na pinamagatang Bondying mula sa Sampaguita Pictures.
Ginampanan siya ni Fred Montilla (sa unang pelikula) at mas lalo pang sumikat noong 1980s nang muling likhain ang karakter sa pelikulang Bondying: The Little Big Boy kung saan si Jimmy Santos ang gumanap.
Ang karakter ay isang matandang lalaki na may katawan ng bata — ibig sabihin, malaki na ang pangangatawan pero parang isip-bata at asal-bata pa rin.
Dahil dito, naging katawagan na rin sa mga Pilipino ang salitang “bondying” para ilarawan ang taong sobrang dependent pa rin sa magulang o hindi pa marunong tumayo sa sariling mga paa kahit may edad na.
Pero sa paggamit ni Sen. Imee sa salita kamakailan, tila may pinatutungkulan siyang tao, na aniya ay may kinalaman sa mga alegasyon ng korapsyon at anomalya, lalo na sa mainit na usapin ng flood control projects, gayundin sa budget.
Noong Agosto 18, ipinaliwanag pa ng senadora ang paglalarawan niya kay Bondying.
"'Yong dambuhala na spoiled na iyak nang iyak, malaking mama na iyak nang iyak, reklamo nang reklamo pero dede nang dede! Naku talaga naman. Iyan si Bondying! Kaya maniwala kayo, kung may Bondying na may umiiyak dahil sa budget, may mga Baby Bondying na hiyaw nang hiyaw din!" aniya.
Bagama't walang tinutukoy o binabanggit kung sino si Bonjing/Bondying, naniniwala ang mga netizen na ito umano ay bansag niya kay Romualdez.