Sinagot ng Palasyo ang puna kamakailan ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa mabagal na pagsugpo umano sa korapsyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Sa ginanap na press briefing ng palasyo nitong Martes, Setyembre 16, naitanong kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro ng mga mamamahayag kung ano umano ang masasabi ni PBBM sa naging puna ni VP Sara noon sa mabagal na pagsugpo umano ng Pangulo sa mga korapsyong nagaganap sa bansa.
“Sabi po ni VP Sara, dapat daw po agad inaksyunan ng pangulo ‘yong flood-control messed, imbis na hintayin daw po ‘yong magiging findings ng ICI.
“And I quote, ‘[k]ung ikaw, presidente ka tapos alam mo na ang nangyayari, makikita mo, based on the budget kung paano binababoy ‘yong pera ng bayan. Mag-aantay ka pa ng commision’[...]” pagtatanong sa press briefing.
Sagot naman ni Castro, hindi umano niya alam kung bakit hindi umano nalalaman ni VP Sara ang mga kilos at pag-uutos na ginagawa ni PBBM.
“Unang-una po, hindi po natin alam kung siya po ba ay matagal na nag-stay sa isang kuweba’t hindi niya nalalaman ang mga nagaganap at hindi niya nalalaman kung ano ‘yong agarang isinasagawa ng ating Pangulo,” panimula ni Castro.
Dagdag pa niya, “[s]iguro po, kakailanganin niya na po ng mataas na grado ng salamin o kaya [ng] hearing aid para marinig niya kung anoman ang lahat ng ginagawa at mga inuutos ng pangulo sa mga law enforcement agencies, sa mga investigating bodies kasama na po ang pagbuo ng ICI.”
Sa pagpapatuloy pa ni Castro, sinaad niyang kinakailangan daw umanong dumaan sa mga proseso ang imbestigasyon para masugpo ang korapsyon.
Binuweltahan pa ni Castro si VP Sara VP Sara na banggitin niya na hindi raw umano naniniwala si PBBM sa mga “EJK style” at “libingan ang hantungan” na paraan para aksyunan ang problemang kinakaharap ng bansa.
“Uulit-ulitin po natin dahil paulit-ulit naman po lamang ang sinasabi na isyu ng bise presidente. Ang pag-iimbestiga po ay hindi po kailangang isang araw lang. Hindi po naniniwala ang Pangulo sa isang EJK style, walang imbestigahan, [at] libingan ang hantungan. Ang gusto ng Pangulo, due process. At hindi po lamang na puro salita or kaya pangako,” anang Castro.
Nagawang magbalik-tanaw ni Castro sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa “napakong pangako” umano ng dating pangulo na masusugpo ang droga at korapsyon sa bansa sa loob ng tatlo (3) hanggang (6) na buwan.
“Matatandaan natin na may nangako no’ng nakaraang administrasyon [ng] tatlong buwan hanggang anim na buwan ay masusugpo ang korapsyon. Kung mayro’n naman pong sistema ang bise presidente kung paano agarang masusugpo ang korapsyon na ito, sana po ay hiniling na rin po niya ito at ibinigay na sa kaniyang ama. Pero bakit hindi kaya?”
Inilabas ni Castro ang isang papel na naglalaman ng artikulo noong 2017 kung sinabi umano ni FPRRD na “siya mismo ay korap.”
“Siguro ito ang dahilan kung bakit hindi rin nasugpo ang korapsyon noong nakaraang administrasyon. Dahil umamin mismo ang dating pangulo na siya mismo ay korap. Inamin niyang nagnanakaw siya pero naubos na.
“Ito pong article na ito ay no’ng 2017. Mahigit isang taon na ang nakaraan after siyang mangako na tatlong buwan hanggang anim na buwan matatapos ang korupsyon,” pagbabahagi ni Castro.
Pagtatapos pa ni Castro, “[s]ana [ay] naibigay na rin niya sa kaniyang ama kung paano agarang masusugpo ang korapsyon.”
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si VP Sara kaugnay sa mga nasabing ito ni Castro.
Mc Vincent Mirabuna/Balita