December 12, 2025

Home BALITA

Sen. Risa, pinanghinayangan pagka-veto ng panukalang bigyan ng 'special burial areas' mga Muslim, katutubo

Sen. Risa, pinanghinayangan pagka-veto ng panukalang bigyan ng 'special burial areas' mga Muslim, katutubo
Photo courtesy: Senator Risa Hontiveros (FB)


Pinanghinayangan ni Deputy Majority Leader Sen. Risa Hontiveros ang pagkaka-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Senate Bill No. 1273 o “Equal Access to Public Cemeteries Act,” sa ginanap na plenary session ng Senado nitong Lunes, Setyembre 15.

Ibinahagi ng senadora sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Setyembre 16, ang kaniyang panghihinayang sa panukalang hindi naman umano lumalabag sa equal protection clause.

“Nakakapanghinayang na na-veto ng Pangulo ang panukalang batas na maglalaan sana ng special burial areas para sa ating mga kapatid na Muslim at katutubo sa mga public cemeteries,” ani Hontiveros.

“Ang panukala ay hindi labag sa equal protection clause—sa halip, pinapatibay nito ang tunay na pagkakapantay-pantay, kasi kinikilala ang unique religious requirements nila, gaya ng mabilis na pagpapalibing at tamang direksyon ng libingan, na hindi natutugunan kung purely common burial ground lang,” dagdag pa niya.

Nilinaw din ng mambabatas na hindi umano ito pagpo-promote ng gobyerno ng Islam, kung hindi ito ay pagbibigay-daan lamang sa karapatan ng mga Pilipino.

DSWD Sec. Gatchalian, may alok na ₱100K pabuya sa makakapagturo ng salarin sa asong pinutulan ng dila



“Para sa akin, hindi rin ito lumalabag sa non-establishment clause. Ang bawal sa Saligang Batas ay ang pagtatatag o pagtatangi ng isang relihiyon. Ang hakbang na ito ay actually paraan para alisin ang hadlang sa free exercise of religion,” aniya.

“Hindi po pinopromote ng gobyerno ang Islam; ang ginagawa lang ay pagbibigay-daan sa karapatan ng bawat Pilipino na isabuhay ang kanyang pananampalataya, gaya rin ng pagpayag ng prayer rooms o special diets sa government facilities,” dagdag pa niya.

Inilahad niya ring ang panukalang batas ay isang pagsasabuhay sa prinsipyo ng free exercise, equal protection, at non-establishment sa Konstitusyon ng bansa.

Matatandaang liban kay Sen. Risa, sinuportahan din ni Sen. Robin ang nasabing panukala, na siyang tumatayong author ng SBN 1273 at Chairperson ng Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.

Vincent Gutierrez/BALITA