Walang anomang death threats na natatanggap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ayon sa Palasyo.
Sa isinagawang press briefing nitong Martes, Setyembre 15, kinumpirma ito ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro.
Aniya, “Maliban po sa naging pagbabanta dati ng Bise Presidente sa buhay ng Pangulo, base po sa National Security Council (NSC) ADG Cornelio Valencia, Jr., wala pong direct threat sa buhay ng Pangulo.
“Pero hindi po sila magiging kampante sa pagsiguro at bigyan ng seguridad ang buhay ng Pangulo,” dugtong pa ni Castro.
Nausisa ang tungkol sa bagay na ito matapos maantala ang nakatakdang pagdalo ng Pangulo sa United Nations General Assembly (UNGA) 2025 sa New York City.
Ipinagpaliban ni Marcos, Jr. ang assembly upang mapagtuunan ang mga lokal na isyu ng bansa ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez.
Ito na ang ikatlong magkakasunod na taon ng hindi pagpunta ng Pangulo sa UNGA. Noong 2023 at 2024 ay ipinadala lang niya si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Enrique Manalo bilang kinatawan.