December 20, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Guro, binigyan ng pagkain estudyanteng tahimik na umiiyak sa gutom

#BalitaExclusives: Guro, binigyan ng pagkain estudyanteng tahimik na umiiyak sa gutom
Photo courtesy: Mechiel Warag Sugatan (FB)

Sa isang simpleng silid-aralan, kung saan karaniwang maririnig ang ingay ng mga batang nagsusulat at nag-aaral, isang tanawin ang hindi inaasahang bumungad sa gurong si Teacher Mechiel Warag Sugatan mula sa Barangay Gupitan, Kapalong, Davao del Norte—isang senaryong nagpaiyak hindi lamang sa kaniya kundi maging sa mga netizen.

Sa kaniyang viral Facebook post, habang abala ang klase, napansin ni Sugatan ang isa sa mga mag-aaral na tila malayo ang tingin, nakatanaw sa bintana na wari’y may mabigat na iniisip.

Aniya, hindi raw siya nakatutok sa pisara, hindi rin nakikibahagi sa ginagawa ng klase. Dahan-dahan siyang lumapit, at doon niya nasilayan ang mga luhang dumadaloy sa mata ng kaniyang estudyante—tahimik, walang hikbi, at pilit na itinatago.

Nilapitan niya ang mag-aaral na si "Gary" at tinanong kung anong iniinda niya, at kung bakit siya umiiyak nang palihim.

Human-Interest

ALAMIN: ‘Required’ ba na magbigay ng 13th Month Pay ang mga kompanya tuwing Holiday Season?

"Habang busy ang lahat sa pagsusulat Isang bata nasilayan kong laging nakatingin sa may bintana na parang ang lalim ng iniisip ayaw tumingin sa pisara, palihim akong lumapit sa kanya doon ko nakita ang lalaki ng mga luha sa mata yung umiiyak Pero walang tunog nahihiya siguro siya na malaman namin," aniya.

"Doon ko nalaman nung tinanong ko siya ano ang nangyari 'Langga? May sakit ka ba? Sabihin mo sa akin. Sabi ng bata 'WALA MAAM' ehhh ano bat ka nagganyan ? Nakita ko ilang malaking luha pa ang pumapatak bago niya ako sinagot"

"Sabi Niya 'MAAM ANG HAPDI PO NG TIYAN KO ,KANINA PA KUMAAKALAM KAGABI LANG AY NAUBOS NA YUNG BAON KONG BIGAS.'"

Walang mas sasakit pa sa isang guro kundi makita ang kaniyang estudyanteng umiiyak hindi dahil sa aralin, kundi dahil sa gutom. Hindi na nag-atubili si Sugatan. Pinakain agad niya ang bata, ipinabili ng kanin at ulam upang maibsan ang paghihirap na dulot ng kumakalam na tiyan.

"PAGKARINIG KONG GANYAN DOON NA DIN AKO NALUHA , NASAKTAN SA SINABI NIYA MGA LANGGA HINDI NA AKO NAGPALIGOY LIGOY PA PINABILHAN KO AGAD NG KANIN AT ULAM PARA MAKAKAIN SIYA," aniya.

"(importante alamin natin ang mga nararamdaman ng ating mga estudyante )."

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Mechiel, nagbigay siya ng ilang mga detalye tungkol sa kaniyang nabanggit na estudyante. 

"Si Gary ay nakatira sa lugar na kung saan distance ang bahay to school kaya need niya mag stay sa Kapatagan for 1 week para hindi siya mka absent at nakikitira lamang po siya sa kakilala ng kaniyang tatay."

"Ang mga magulang niya ang nagtatanim ng mga root crops at kahit gaano kadami ang kanilang ma-harvest na mga root crops wala ding buyer na puwedeng bumili ng kanilang produkto dahil sa sobrang layo."

Nasa Grade 9 na si Gary at pumapasok sa paaralan nang naglalakad. 

"Kaya dapat sana makabili sila ng bigas sa benta sa produkto Pero pahirapan sila sa pagbenta nito. Siya po ay Grade 9 na. Pagka-Domingo pa lang ay naglalakad na 'yan siya papuntang kapatagan kasi kung Lunes pa siya ay ma-late na siya dahil 4 hrs pa niya lalakarin."

"Pinababaonan siya ng kaniyang parents ng bigas na minsan hindi na aabot sa Biyernes kada nagbitbit din siya ng mga karlang at kamote para in case na maubos ang bigas."

Higit pa sa realidad ng ilang mga mag-aaral, sinasalamin nito ang malasakit at pagmamahal ng mga guro—ang kanilang kakayahang makita ang lampas sa pisara at libro. Sa simpleng pagtugon sa pangangailangan ng isang bata, nagiging instrumento sila hindi lamang ng kaalaman, kundi ng pag-asa at pagdamay.

Kaya naman, hindi kataka-takang matapos mag-viral ang Facebook post ng guro, tila maraming nagpaabot ng tulong para kay Gary, na ibinahagi niya sa kaniyang page. 

Mensahe niya sa mga kapwa guro para sa National Teachers' Month, "Bilang Isang guro, hindi lamang tayo tagapagdaloy ng kaalaman kundi tagapaglingkod sa mga pangangailangan at hinaing ng mga mag-aaral. Sa bawat aralin, pati na rin sa bawat luha, pag-aalala, at pangarap na ibinabahagi nila — 'Sa Buwan ng mga Guro, ipinagdiriwang natin ang puso ng edukasyon."

Sa likod ng bawat luha ng isang batang gutom ay may kuwentong dapat marinig—at sa bawat gurong gaya ni Mechiel Warag Sugatan, may pusong handang umagapay.