Napag-usapan nina Ogie Diaz, Loi Valderama, at Ate Mrena sa kanilang latest vlog ang naging kampanya ng direktor na si Lav Diaz na gawing presidential candidate si Unkabogable Star Vice Ganda, na posibleng "gigiba" kay Vice President Sara Duterte, bilang pangunahing kandidato sa pagkapangulo sa 2028.
Lumabas ang pahayag ng "Magellan" director sa episode ng "Ang Walang Kwentang Podcast" nina Direk Antoinette Jadaone at JP Habac noong Setyembre 11, 2025.
Sa simula, umikot ang usapan sa pelikulang Magellan na kakatawan sa Pilipinas sa Oscars 2025, bago mauwi sa paksa tungkol kay Vice Ganda.
Nang tanungin ni Jadaone kung nanonood ba siya ng mga pelikula ng komedyante, binanggit ni Diaz ang Praybeyt Benjamin. Nang masabi naman ang Petrang Kabayo, sumang-ayon ang direktor at nagbigay pa ng “approve” sign. Ayon sa kanya, “symbolic” umano ang Praybeyt Benjamin.
Binigyang-diin ni Diaz na seryoso ang kaniyang paniniwalang panahon na para pumasok sa politika si Vice Ganda. Aniya, "Seryoso 'yan ha, seryoso, kasi napaka-bleak ng future ‘pag hindi natin mawasak ‘yong wall na ‘yon—‘yong 'Sara Duterte wall,' which is coming which is coming," anang direktor.
“The nightmare is coming. It’s only two years away so we need to act. Gamitin natin ang pop culture to destroy that," giit pa niya.
Para kay Diaz, si Vice Ganda ang kasalukuyang may pinakamalakas na impluwensiya sa pop culture at bukas sa pagbibigay ng matapang na opinyon. Kaya panawagan niya, gawing kilusan ang ideya.
“Vice Ganda Movement. Vice Ganda for President. Start it now," panawagan niya.
Dagdag pa ng direktor, maaari umanong makapareha ng komedyante sa tiket sina Atty. Chel Diokno, Sen. Risa Hontiveros, o dating Vice President at ngayo'y Naga City Mayor Leni Robredo, bilang bise niya.
Nagpatawa naman si Jadaone na sana raw ay hindi mapanood ng mga Duterte supporter ang episode.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pangwasak sa Sara Duterte wall?' Vice Ganda, pinatatakbong Presidente sa 2028 ni Lav Diaz
KAUGNAY NA BALITA: 'Chel, Risa, o Leni' puwedeng isama kay Vice Ganda sa pagtakbong Presidente—Lav Diaz
Bagay na kinomentuhan naman ni Ogie.
"Alam mo sa totoo lang no, sabi nga nila 'di ba ang pagiging Presidente ay destiny, malay mo destiny nga ni Vice [Ganda] 'yan," anang Ogie.
Binalikan ni Ogie ang naging pahayag noon ni Vice Ganda sa isang panayam na kung tatakbo rin lang daw siya, pagiging Presidente na ng Pilipinas ang tatargetin niya, doon na sa pinakamataas, subalit sisiguruhin niyang hindi siya gagastos.
"Alam mo sa totoo lang no, why not?" sey ni Ogie.
"Ang mga tao ngayon gusto nila 'yong mga palaban."
Ginawang halimbawa ni Ogie ang pinag-uusapan ngayong si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na nakikipagbardagulan ngayon sa iba pang mga kasamahang kongresista at opisyal ng pamahalaan, at tahasang nagnanais na bumaba sa puwesto bilang House Speaker si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Nasabi rin ni Ogie ang pagpanig niya, kung sakaling tumakbong Presidente, kay Pasig City Mayor Vico Sotto.
Subalit dahil sa edad ni Mayor Vico, hindi pa siya qualified para maging kandidato sa 2028.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Vice Ganda hinggil sa isyu.