Pilipinas ang natatanging bansa sa mundo na may mahabang selebrasyon ng Pasko, kung saan simula Setyembre, makakakita na ng Christmas lights sa ilang mga bahay at establishments at makakarinig na ng mga tugtuging karoling sa mga radyo.
Ang tradisyong ito ay mababalikan sa panahon ng kolonisasyon ng Espanya sa bansa, kung saan, naging layon ng mga prayle na makapunta sa misa ang mga magsasaka na gumigising ng bukang-liwayway.
Dito nagsimula ang “Simbang Gabi,” o ang misa na nagsisimula bago pa man lumabas ang araw, simula Disyembre 16.
Kalauna’y naging parte ito ng tradisyon tuwing nagdiriwang ng pasko at naging simbolo, hindi lamang ng relihiyon, kung hindi maging ng pagkakakumpleto ng mga pamilya tuwing panahon ng Kapaskuhan.
Kung kaya’t hanggang sa modernong panahon, ang apat na buwang selebrasyong ito ay nagbubuklod sa mga Pilipino, at nagsisilbing paalala na habang patuloy ang kinahaharap na mga pagsubok, hindi pa rin matatawaran ang saya na dulot ng pagkakaisa at pagbibigayan.
Dahil dito, alamin ang mga kakaibang tradisyon na tanging sa Paskong Pinoy lang makikita:
1. Simbang Gabi
Kilala rin bilang “Misa de Gallo,” ito ay ang siyam na araw na pagsisimba ng mga Katolikong Pinoy bago ang araw ng Pasko, na sinisimulan mula Disyembre 16 at nagtatapos sa Disyembre 24.
Sa mga araw na ito, makikita ang iba’t ibang makukulay na palamuti at parol sa mga simbahan, kasama rin dito ang belen, bilang representasyon ng kapanganakan ni Hesus.
2. Pinoy Christmas Delicacies
Hindi kompleto ang siyam na araw ng Simbang Gabi kung wala ang nakatatakam na aroma ng paboritong Christmas treats na puto bumbong at bibingka.
Kadalasang nakikita sa labas ng mga simbahan, ang puto bumbong ay kilala dahil sa lila nitong kulay at budbod ng keso, niyog, mantikilya, at kondensadang gatas bilang toppings sa malagkit na kanin.
Ang bibingka nama’y kilala dahil sa mga sahog nitong nakabalot sa balat ng saging habang niluluto sa tagpi, at toppings na itlog na maalat, niyog, at mantikilya, at ito’y kadalasang pinapares sa mainit na tsaa o tsokolate.
3. Parol
Ang tradisyunal na palamuting ito ay sumisimbolo sa bituin na gumabay sa mga hari na nagbigay ng kanilang regalo sa batang Hesus.
Kadalasan, ito’y ginagamit na palamuting nakasabit sa mga bahay, eskwelahan, kalsada, at mga establisyimiento, at ang mga kulay nito’y madalas pula, asul, berde, at dilaw.
4. Caroling
Bilang kilala rin ang mga Pinoy sa pagkakaroon ng magandang boses sa pagkanta, ang karoling ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpunta sa mga bahay-bahay para kumanta ng mga awiting pang-pasko kapalit ang pera o simpleng regalo bilang pagmamagandang-loob.
May mga pagkakataon din na mga bata ang makikitang gumagawa nito, kung saan ang ilan ay may hawak na tamborin na gawa sa tansan, o kaya nama’y kutsara-tinidor bilang tugtog.
May mga nagbibigay pero may ilan na nagsasabi ng “patawad” kung wala silang maiaabot.
5. Noche Buena
Ito ay ang hapunan sa bisperas ng pasko, dito ay kadalasang nagtitipon ang mga pamilya at naghahanda ng mga magarbong pagkain tulad ng lechon, ham, at queso de bola.
6. Christmas Bonus at 13th Month Pay
Para sa mga nagtatrabaho, bukod sa kanilang karaniwang sahod, ang ibang kompanya ay nagbibigay ng bonus bilang simbolo ng pagpapahalaga sa kanilang naging trabaho sa buong taon.
Ang benepisyong ito ay nakatutulong para maging masagana ang mga Pinoy sa kasagsagan ng Christmas season, at para makabili ng mga handa at pangregalo sa mga kaibigan, kapamilya, at mga inaanak.
Sean Antonio/BALITA