Kasalukuyang nakakaapekto sa malaking bahagi ng bansa ang trough ng low pressure area (LPA) sa Occidental Mindoro at easterlies.
Huling namataan ang LPA sa layong 475 kilometro Kanluran ng San Jose sa Occidental Mindoro as of 3:00 PM ngayong Lunes, Setyembre 15.
Ayon sa PAGASA, makakaapekto ang trough o extension ng LPA sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas.
Dahil dito, asahan na maghahatid ito ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan sa mga nabanggit na lugar.
Samantala, bukod sa trough ng LPA, nakakaapekto rin ang easterlies o hangin mula sa silangan sa Northern Luzon.
Asahan ang maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan sa Cagayan Valley, habang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga paminsan-minsang pag-ulan naman ang inaasahan sa Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.
Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga paminsan-minsang pag-ulan din ang inaasahan sa nalalabing bahagi ng bansa bunsod naman ng localized thunderstorms.